Bakit kanselado ang concert ni Korean superstar Rain?

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2017 11:03 PM

Dismayado ang mga tagahanga ng Korean superstar na si Rain matapos kanselahin ang kaniyang benefit concert para sa Marawi na idaraos sana sa Biyernes, Nobyembre 3.

Sa official statement na inilabas ng concert producers, nagpaumanhin ang mga ito sa hindi pag-usad ng concert at sisikapin na lang nilang iurong ang iskedyul nito.

Kasabay nito, naglabas ng pahayag ang kampo ni Rain at sinabing isa sa mga organizers ang naging "dishonest" o hindi tapat sa napagkasunduang kontrata.

Imposible na umanong matuloy ang pagtatanghal ni Rain.

Bahagi din ng statement ni Rain na sisikapin nilang iwasan ang ganitong aberya lalo pa't 2010 pa nang huling bumisita si Rain sa bansa.

Paliwanag ng concert producer, may kinalaman umano sa pera ang hindi pagkakasundo.

Pag-amin ng Filipino organizers, kanselado na dapat talaga ang concert at wala nang rescheduling.

Ngunit nanindigan silang patuloy nilang kukumbinsihin si Rain para ituloy ang "comeback show" sa Pilipinas.

Paplantsahin daw ng organizers ang iskedyul ni Rain at ng ilang lokal na artistang kasama sana nito sa concert.

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.