Cogie Domingo, 2 iba pa timbog sa drug bust

ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2017 11:50 AM | Updated as of Oct 27 2017 09:17 PM

 Ayon kay Domingo, na-setup lang siya

Aktor na si Cogie Domingo, arestado matapos mahuli umano sa aktong bumibili ng droga sa Parañaque. Photo courtesy of PDEA

Arestado ang dating aktor na si Cogie Domingo at dalawang iba pa matapos mahuli umano sa aktong bumibili ng droga sa isang buy-bust operation sa Parañaque City, Biyernes.

Kinumpirma ni Mary Anne Lorenzo, isang tagapagsalita ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang pagkahuli kay Domingo, kasama ang isang lalaki at isang babae.

Target umano ng operasyon ng PDEA ang kasamang babae ni Domingo at nagkataon naman na bumili rin ng hinihinalang shabu ang dating aktor sa nagsilbing poseur buyer na operatiba.

Mariin namang itinanggi ng aktor ang mga akusasyon sa kaniya at sinabing na-setup umano siya.

"Hindi naman po talaga ako nagbebenta, hindi po gumagamit. Hindi po ako bumibili. Hindi ko po alam 'yung ebidensiya laban po sa akin and sa totoo niyan, kumakain lang kami ng dinner at nagulat na lang po ako na ayun po, nagkaroon po ng mga pulis dun at nagkaroon ng hulihan," ani Domingo sa isang panayam.

"Hindi po akin 'yun. Hindi po sa'kin yun. I believe na-set-up lang po kaya ganun," dagdag niya.

Sa isang panayam kay Rod Domingo, ama ng dating aktor, sinabi nitong hindi umano gumagamit o nagbebenta ang anak ng ilegal na droga.

"I don't know anything about this. I am the dad. I know Cogie has not been using or selling any drugs. Wala, he is not involved in any way sa drugs," ayon sa nakatatandang Domingo, isang abogado.

Dagdag pa ng ama ni Cogie, dati na umanong sumailalim sa drug test ang anak at nag-negatibo naman ito.

"When it was at the height that everyone is being suspected lalo na 'yung mga artista, he voluntarily submitted himself to a drug test. It was negative. Two times ginawa niya 'yun, not for anybody, on his own... It's negative, I still have the results 'til now," aniya.

"Basta sa'kin lang kung anak ko ay ano (gumagamit), ako magpapakulong sa anak ko... Hihintayin ko pa ba ma-tokhang ang anak ko? Ako na mismo magpapa-rehabilitate," dagdag pa nito.

Nakakulong ngayon si Domingo sa Camp Vicente Lim sa Calamba City.

- may mga ulat nina Joyce Balancio at Angel Movido, ABS-CBN News.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.