Dasal, bumuhos sa Doha para sa paggaling ni Isabel Granada

Maxxy Santiago, ABS-CBN Middle East News Bureau

Posted at Oct 26 2017 04:21 PM

 

A post shared by isabelgranada21 (@isabelgranada21) on

DOHA -- Bumuhos ang dasal mula sa mga tagahanga ni Isabel Granada sa Doha, Qatar na hanggang ngayon ay nanatiling unconscious sa Hamad General Hospital magtapos mag-collapse noong Martes.

Masigla at masaya pa si Isabel sa huling kuha niya sa Philippine Trade and Tourism Conference na ginanap sa Doha noong Biyernes bago siya ma-ospital noong Martes. Inimbitahang guest speaker si Isabel sa naturang event at kinantahan pa nga niya ang kanyang fans. Kasama rin niya ang kanyang asawa na si Arnel Cowley. 

“Nagpapasalamat kami sa lahat ng mga um-attend because this is really a good help for our OFWs. God bless,” sabi pa ni Isabel.

Kaya laking gulat ng kanyang mga tagahanga sa Doha nang isugod siya sa ospital nang mag-collapse dulot ng brain hemorrhage.

“Masyado siyang masayahin. Lahat talaga ng taong kausapin niya, very accommodating, friendly. Sobra siyang masayahin. Nakakalungkot, nakakabigla 'yung nangyari sa kanya. Prayers na lang talaga,” ani Shiela Sanchez.

Para naman kay Dahlia Agbanlog, nagbigay si Isabel ng sigla at saya sa kanilang grupo.

“Kaya sobra-sobrang nalungkot ngayon nang makita namin na ganun siya kasigla just a few days ago and now nakita ko siya na nakahiga medyo ang hirap, ang bigat. Sana ay maging okay na si Isabel at ipinagdarasal po naming siya. Umaasa po kami na bukas, paggising namin ay gising na siya,” aniya.

Maging ang pinsan ni Isabel at organizer ng event nabigla rin sa nangyari.

“She played badminton the night before. Nagkukulitan pa nga kami ng mga dadalhin niyang pasalubong. Absolutely no premonition. Even in meeting with the fans in Bin Mahmoud, masaya siya. She was in high spirits kasi nandon 'yong mga dati niyang classmates sa PAL. She gave them an inspirational talk tapos nagbibiro nga siya na parang nahihilo yata ako and she sat down,” sabi ni Joseph Timothy Rivera, chairman ng Association of Filipino Real Estate Executives in Qatar.

Dagdag ni Rivera, “Yong pag-collapse niya hindi naman 'yun talagang collapse. She fell asleep and then snored… 'yon na.”

Hanggang ngayon nasa ospital at unconscious pa rin si Isabel.

Ayon naman sa asawa ni Isabel, nananatiling kritikal pero in stable condition ang aktres. Lahat din daw ng mga duktor ay tinututukan siya.

“It’s certainly that it’s a very big hemorrhage that happened in the brain. That’s what I was informed by the doctor po and siyempre, we’re keeping a vigil dito sa Qatar, Doha. Please pray for my wife for her full recovery po,” sabi ni Cowley.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.