Mga artista, nanawagan ng dasal para kay Isabel Granada

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2017 07:17 PM | Updated as of Oct 25 2017 09:02 PM

Ipinaabot ng ilang artista sa pamamagitan ng social media ang kanilang mensahe para sa aktres na si Isabel Granada matapos itong isugod sa ospital sa Doha, Qatar.

Bumaha sa social media ang suporta para kay Isabel, mula sa mga kaibigan niya sa industriya gaya nina Chuckie Dreyfus, Bianca Lapus, at Dawn Zulueta.

"I've known her since bata pa siya eh, tingin ko pa rin sa kaniya bata. So I really hope she's fine," ani Zulueta sa panayam.

"Let's just think about her and pray for her. I really pray that she gets through this," dagdag ni Zulueta.

Kuha mula sa Facebook ni Chuckie Dreyfus
Kuha mula sa Instagram ni Bianca Lapus

Bandang alas-2:30 ng hapon, Martes, sa Qatar, o alas-7:30 ng gabi sa Maynila, nag-collapse si Isabel habang nasa isang fan meet-and- greet sa Doha.

Agad itong dinala sa Hamad Hospital sa nasabing lungsod.

Nasa Qatar si Isabel dahil panauhin ito ng Philippine Trade and Tourism Conference na idinaos noong nakaraang linggo.

Ayon sa asawang si Arnel Cowley, hindi pa rin nagigising si Isabel mula nang mawalan siya ng malay.

May indikasyon umano si Isabel ng brain hemorrhage o pagdurugo ng utak, sanhi ng aneurysm.

Nakiusap si Cowley, gayundin ang ina ni Isabel na si Isabel Castro-Granada, ng panalangin para sa paggaling ng aktres.

Sumikat si Isabel bilang performer. Una itong nakilala sa pagiging bahagi ng "That's Entertainment" ni German Moreno.

Huling lumabas ang 41 anyos na aktres sa ABS-CBN teleserye na "A Love to Last," na pinagbidahan nina Bea Alonzo at Ian Veneracion.

-- Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.