Piolo at Direk Joyce, nagbigay tulong para sa pagbangon ng Marawi

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2017 01:03 PM

MANILA -- Nagbigay ng kanilang tulong ang magkaibigang Piolo Pascual at Joyce Bernal para sa muling pagbangon ng Marawi.

Ibinahagi ng aktor na si Robin Padilla sa Instagram na nagbigay ng P1 milyon si Piolo at P500,000 naman si Direk Joyce para sa pagpapatayo ng mga bahay sa mga naapektuhan ng krisis sa Marawi.

 

A post shared by robin padilla (@robinhoodpadilla) on

Ayon kay Robin, hinanap siya ng dalawa para maipahatid ang kanilang tulong.
 
"Bihira ang mga taong may ganitong klaseng puso at pananampalataya. Hindi ko masabi na religious act ang ipinakita nila sa akin ngayon gabi ng ika-23 ng oktubre 2017 sapagkat maraming religious na tao pero walang act na ganito. Pagkatapos na pagkatapos na makapaningil ng kanilang kinita sa pagiging mga producer ay hindi naisip ng dalawang ito na mag-good time kaagad o magpakalunod sa celebration bagkus ang ginawa nila ay hinanap ako at kagyat nag-donate ng pera para sa pagpapatayo ng bahay sa Marawi," ani Robin na nauna nang nagbigay tulong sa Marawi.

"Maraming maraming salamat sa inyong dalawa dahil hindi lamang tulong pinansyal ang nais ninyong ibahagi kundi pati ang inyong personal na serbisyo para sa pagpapalaganap ng Tindig Marawi sa bawat puso ng Pilipino."

Matatandaang pumatok sa takilya ang pinagtambalan nina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez na "Kita Kita" kung saan producers sina Pascual at Bernal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.