Angel Locsin, taglay ang lakas ng bampira at lobo sa 'La Luna Sangre'

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2017 12:14 AM

Kung may "Lady in Gold" ang "Wildflower" sa katauhan ni Ivy Aguas (Maja Salvador), mayroon namang "Lady in Red" ang "La Luna Sangre" sa katauhan ni Jacintha (Angel Locsin). 

Nitong Lunes ng gabi, suot ang pulang kapa, buong tapang na hinarap ni Jacintha ang isang grupo ng mga bampirang gustong tugisin siya. 

Taglay niya ang liksi't lakas ng pinaghalong bampira at lobo, kaya walang dudang dinaig niya ang mga kalaban kahit siya'y mag-isa. 

Ang hindi alam ng pinuno ng mga bampirang si Sandrino (Richard Gutierrez), matagal na palang pinagpaplanuhan ni Jacintha ang pagtugis sa masasamang bampira gaya niya. Walang siyang muwang na ang tunay palang kalaban ay nasa kanyang harapan. 

Gaya ng inaasahan, top trending sa Twitter ang episode na ito ng "La Luna Sangre." Iba't ibang komento at reaksiyon ang ibinigay ng mga netizen, pero marami talaga ang natuwa at nabighani sa walang kupas na husay at ganda ni Angel Locsin. 

Tutukan ang mga susunod na episode ng "La Luna Sangre" tuwing Lunes hanggang Biyernes ng gabi pagkatapos ng "Ang Probinsyano." 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.