Alegasyon ng 'exploitation' kay Whang-Ud, iimbestigahan

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2017 11:16 PM

Iimbestigahan ng National Commission On Indigenous Peoples (NCIP) Cordillera ang umano'y exploitation kay Apo Whang-ud sa kaniyang pagpunta sa Kamaynilaan.

Nabahala kasi ang ilang netizen sa nakita nilang umano'y exploitation sa pinakamatandang "mambabatok" na dumalo sa dalawang araw na event sa Pasay kung saan itinampok ang kultura, disenyo, at galing ng mga Pilipino.

Nasa 200 ang nagkaroon ng pagkakataong makalapit kay Whang-ud sa event kung saan ang dalawang pamangkin niya ang nagta-tattoo, bago lapatan ng matandang mambabatok ng kaniyang markang tatlong tuldok ang mga nagpa-tattoo.

"... Ma-clarify natin 'yong some of the allegations na lumabas doon. Kasi mahirap na, baka sasabihin na, kung talagang may exploitation 'yon, we have to address," ani Roland Calde, NCIP-Cordillera regional director.

Sa isang pahayag naman, sinabi ng event organizers na dumaan sila sa tamang proseso para maibiyahe si Whang-ud papunta sa Metro Manila.

Saad ng pahayag ng Center for International Trade and Expositions and Missions (CITEM): "Apo Whang-Od's participation in Manila FAME was a tremendous collaborative effort of various government agencies. These include the Philippine Air Force and Philippine Army who ensured her safety prior to and during her travel to Manila and back. Invitation of Apo Whang-Od was sought through the proper channels which include the Kalinga community of elders (Whang-Od included), National Commission on Indigenous Peoples, local government units, Department of Tourism, and the Department of Trade and Industry regional offices."

Dagdag pa ng organizers, lahat ng proceeds sa pagta-tattoo nina Whang-ud at kaniyang mga pamangkin sa event ay mapupunta sa "elders" ng Kalinga.

Pahayag ng CITEM: "We would also like to communicate to everyone that all proceeds from the tattoo of Whang-Od, and her successors, during the event were completely handled by the Kalinga elders."

Nakita rin ng ABS-CBN News na ilang beses pinahinto ng event staff si Whang-ud para magpahinga at kumain; si Whang-ud ang gustong umupo pa at mag-tattoo.

Sa panayam naman ng "S.R.O." sa DZMM kay Clayton Tugonon executive director ng ng CITEM-DTI, sinabi niyang dapat limang tao lang ang lalagyan ng tatlong-tuldok na marka ni Whang-Ud.

Pero mismong si Whang-ud ang nagpilit na malagyan ng kaniyang markang tuldok ang lahat ng magpapa-tattoo sa kaniyang mga pamangkin.

"Ayaw niyang lima lang ang ita-tattoo, gusto niya marami kasi sabi niya, gusto niyang malaman ng tao [kung] ano'ng arts nila," ani Tugonon. "Tinatanong nga siya ng media [kung] napapagod ba siya. Sabi niya, 'hindi ako napapagod kasi hindi ako gumagawa ng ginawa namin doon sa [Kalinga] na nagtatanim ng palay',"

"Nalungkot kami, kasi kami pa ang bine-blame na parang pinagkakitaan namin si Apo, hindi naman e," dagdag ni Tugonon. "Naiinggit sila na nadala namin si Apo, kasi may grupo na gustong dalhin na si Apo for the last six years, hindi nila madala. Kasi ang hinihingi ni Apo, gusto niya si Coco Martin, at ma-promote ang Kalinga arts nila."

Noong Miyerkoles, isinakay sa isang helicopter ang 100 anyos na si Whang-ud mula Buscalan, Kalinga papuntang Kamaynilaan.

Sa parehong araw, nakaharap niya ang idolong si Coco Martin na sinalubong pa siya ng mahigpit na akap.

Sa edad na 100, si Whang-ud ang pinakamatandang traditional tattoo artist o mambabatok ng Kalinga.

Hango ang mambabatok sa salitang Kalinga na "batek" o nangangahulugang "marka". 

Tanging gamit ni Whang-ud sa pagtatato ang piraso ng kawayan at lemon thorns.

Naging tanyag siya nang lumabas sa isang dokumentaryo ng Discovery Channel noong 2009. 

Nitong Linggo, Oktuber 22, sakay muli ng rescue helicopter ng Philippine Airforce, nakabalik na sa Kalinga Province si Whang-ud dala ang mga alaala ng kaniyang pagbisita sa Maynila.

-- Ulat ni Jeff Fernando, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.