Anne, Nadine, Ryan nagpasikat gamit ang drone, hoverboard sa 'Showtime'

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2017 02:44 PM | Updated as of Oct 18 2017 09:37 PM

“Ang bawat isa, may ipinaglalabang paniniwala…pero pag-ibig lang ang magbubuklod sa ating pagkakaisa.”

Sa kasabihang iyan sinimulan nina Anne Curtis, Nadine Lustre at Ryan Bang ang kanilang pagtatanghal sa “it’s Showtime” para sa "Magpasikat Week" ngayong Miyerkoles. 

Gamit ang roller blades at hoverboard at makukulay na props, tila isang music video ang kanilang naging pagtatanghal na kuha gamit ang isang drone camera.

Tampok sa “music video” ang pagkanta nila Nadine at Anne pati na rin ang pag-rap ni Ryan. 

Highlight naman ng kanilang pagtatanghal ang paglipad ni Ryan habang nakakabit sa mga lobo tulad ng sa pelikula ng Disney na “Up.”

Bukod sa tatlo, kasama rin sa kanilang grupo sina Chienna at Kelley ng Girltrends at Jameson, Jimboy, Vitto at Franco ng Hashtags. 

Ang pagtatanghal ng mga hosts ay parte ng pagdiriwang ng ikawalong anibersaryo ng “It’s Showtime.”

Para sa ikatlong araw ng "Magpasikat Week," hurado sina direk Rory Quintos, Janno Gibbs, Ina Raymundo, Marc Logan at Maricel Soriano.

Para sa taong ito, limang grupo ang maglalaban-laban. Noong nakaraang taon, ang grupo ni Anne ang nanalo ng grand prize na P300,000 para sa napili nitong charity.