Sandara Park, Mario Maurer, magsasama sa pelikula?

ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2017 06:50 PM | Updated as of Oct 18 2017 01:16 AM

Nagsama na sa isang proyekto ang Korean idol na si Sandara Park at Thai heartthrob na si Mario Maurer noong kinuha sila bilang mga endorser ng isang tatak ng shampoo.

Pero sana raw, hindi ito ang huli.

Nagpahiwatig sina Sandara at Mario na nais nilang muling magkatrabaho para sa isang pelikula.

Subalit kasalukuyang abala sina Sandara at Mario sa kaniya-kaniyang karera sa kanilang mga bansang pinanggalingan.

Nangako naman si Sandara na maglalabas ito ng mga bagong awit matapos mabuwag ng kaniyang K-pop group na 2NE1 noong nakaraang taon.

"I heard Beyoncé is making 800 songs to make one album, so I can keep on recording," ani Sandara.

Bakasyon

Nakatakas din si Sandara mula sa trabaho para magbakasyon.

Noong Oktubre 5, namataan si Sandara sa Boracay kasama si Seungri, isang miyembro ng grupong Big Bang.

Paliwanag ni Sandara, sinamahan lang niya si Seungri, na itinuturing niyang mabuting kaibigan, dahil may trabaho ito sa Boracay.

Ilang beses nang ginampanan ni Sandara ang papel bilang tour guide sa Pilipinas.

Noong Hulyo, dinala niya ang kapwa miyembro ng 2NE1 na si CL sa Palawan.

Ang kapatid naman nitong si Thunder ang kasama niyang bumalik sa Palawan noong Setyembre.

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.