'Back off': Anne Curtis, dumipensa kay Nadine Lustre

ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2017 02:46 PM | Updated as of Oct 17 2017 03:04 PM

Ipinagtanggol ni Anne Curtis ang kaniyang "It's Showtime" co-host na si Nadine Lustre matapos batikusin ng isang netizen sa Twitter.

Noong Lunes, Oktubre 16, isang Twitter account na may handle na @lustrelegant ang nagbahagi ng larawan nina Anne at Nadine na umaawit sa programang "It's Showtime."

Naka-tag ang mga Twitter account ng dalawang aktres sa post.

Sumagot naman ang isang Twitter account na may handle na @kathxnielonly.

Pinintasan ng Twitter user si Nadine na tila hindi umano nagluluksa sa kabila ng pagpanaw ng kapatid nito noong nakaraang linggo.

Sinabi ng netizen na nakuha pa ni Nadine na "mag-inarte."

Dinepensahan ni Anne si Nadine nang sagutin nito ang netizen, na tinawag niyang "horrible person" o kasuklam-suklam.

Ayon kay Anne, hindi dapat husgahan si Nadine dahil hindi alam ng ibang tao ang kaniyang pinagdadaanan o nararamdaman.

"You never know what a person is going through or how they deal with whatever it is they are feeling. So back off," sagot ni Anne.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.