PANOORIN: Maja at mga pinili niyang makasama sa birthday party

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2017 09:01 PM

Kung nanlilisik at umaapoy sa galit ang role ni Maja Salvador sa seryeng 'Wildflower', ipinakita naman niya sa totoong buhay ang salungat nito matapos magdiwang ng kaarawan kapiling ang matatanda at street kids. 
 
Pinili ni Salvador na magdiwang ng kaarawan ngayong taon sa Bahay Kalinga. 

Kuwento niya, mahilig talaga siya sa mga bata, lola, at nanay kaya nais niyang mapasaya sila. 

“Mahilig talaga ako sa kids saka sa mga lola, mga nanay natin. Grateful ako na may mga napapasaya akong tao." 

Hiling naman ni Salvador para sa kaniyang kaarawan ang maayos na kalusugan upang magampanan ang trabaho at marami pa siyang mapasayang tao. 

“Maayos na kalusugan talaga, ‘yun lang. Sana maalagaan ko nang maiigi ‘yung sarili ko, ‘yung health ko para ‘yung bawat trabaho na ibigay sa akin, magawa ko nang maayos at para marami pa akong mapasayang tao.” 

Ratings ng ‘Wildflower’, best birthday gift kay Maja

Samantala, tinutukan naman ng sambayanan ang grand entrance ng karakter ni Salvador sa ‘Wildflower’ na si Lily Cruz. 

Kaya naman all-time high ang ratings ng programa noong Martes sa 35%.

Agad din itong nag-viral at nagpiyesta ang mga netizens sa mga memes ni Lily Cruz.

Kuwento ni Salvador, best birthday gift ito para sa kaniya. 

"Nagtatalon ako sa tuwa at sabi ko nga, ang gandang birthday gift sa 'kin ni God," aniya. 

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.