Xander Ford: 'Hindi po ako nag-attitude'

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 11:36 AM

MANILA -- Nilinaw ni Xander Ford na hindi siya "nanigaw" o "nag-attitude" sa nagdaang guesting niya sa "Gandang Gabi Vice."

Nitong Martes sa "Umagang Kay Ganda," sinabi ni Xander na sadyang malakas lang ang kanyang boses at marahil ay hindi lang siya naunawaan ng mga taong nakarinig sa kanya.

"Gusto ko lang pong sabihin sa lahat na 'yung guesting ng 'GGV' ay okay naman po siya. Na-misunderstand lang po siguro ako ng mga tao doon dahil galing ako sa taping po... Akala lang po talaga ng taong nakarinig sa akin ay sumisigaw ako, pero hindi po talaga," paliwanag niya.

"Tinanong lang nila ako kung sino ako at sumagot ako na ako si Xander Ford, pero mataas ang boses ko. Malaki lang po ang boses ko. Siguro po na-misunderstand lang po ng tao noong mga nakakarinig, pero hindi ako sumigaw o nag-attitude," dagdag niya.

Ayon kay Xander, matapos ang pangyayari ay naayos na ang lahat at humingi na rin siya ng paumanhin sa mga taong nasaktan.

"Okay na po, nag-sorry na rin po ako kung may nagawa po akong kasalanan sa kanila. Tama naman po 'yon, sabi nila kapag pinagarap mo 'yan, kapag pinasok mo, dapat lagi kang handa at maging humble po," aniya.

Matapos sumailalim sa transformation, masaya si Xander sa magandang pagbabago sa kanyang buhay.

"'Yung ngayon po, mas mabuti ang tumatangkilik sa akin, marami ang nagmamahal at sumusuporta," ani Xander.

Bumisita si Xander sa "UKG" para anyayahan ang mga manonood sa "Arrival" concet ni Ylona Garcia sa Oktubre 21 sa Music Museum kung saan nakatakda silang magkita ni Jake Zyrus.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.