Cabral’s dream of invading Hollywood slowly coming true

By BOY VILLASANTA, abs-cbnNEWS.com

Posted at Oct 08 2008 09:33 AM | Updated as of Oct 08 2008 05:34 PM

Bumalik sa Pilipinas noong Lunes ang Filipinas actress na si Mercedes Cabral pagkatapos niyang dumalo sa Asia Pacific Actors Network (APAN) sa Pusan, South Korea kaunay ng ika-13 Pusan International Film Festival.

Sa dinami-dami ng mga artistang Filipino na may opisyal na lahok sa Pusan filmfest, tanging si Mercedes lang ang Filipina actress na naimbitahan ng festival.

Kahit si Cabral mismo ay nagtataka kung bakit siya ang napili ng komite upang isama sa opisyal na listahan ng mga kasapi ng APAN sa ikalawang taon nito.

“Pero sabi po sa akin ng mga organizera, nakitaan nila ako ng features na kailangan sa mga international movies,” pahayag ni Cabral nang walang paliguy-ligoy.

Ayon sa kanya, maraming aktres na Filipina ang kasali sa pelikulang ipinalalabas sa kasalukuyang Pusan film festival kabilang si Mylene Dizon para sa “100” na kasali sa competition.  

“Gustung-gusto po ng mga tao ang ‘100.’ Kahit ang mga critics, they like the movie,” kuwento ni Cabral.

Pati si Anita Linda na bagama’t hindi naman kasama sa kompetisyon ang kanyang “Adela” ay maluwag na tinanggap ng Asya at ibang kontinente ang pelikula.

Sinabi ni Mercedes na ang pagiging miyembro ng APAN ay landas para makuha ang kanyang serbisyo sa Hollywood bagama’t wala pang tuwirang alok sa kanya ang mga gumagawa ng pelikula sa Amerika.

“Hindi nga po ba na gusto ko talagang mag-Hollywood noon pa? Hindi nga po ako makapaniwala sa nangyayari sa akin. At kaya siguro ako kinuhang official member ng APAN ay dahil may ginawa akong Korean movie, kaya familiar na ako sa kanila. Ipinalabas din po ang ‘Serbis’ at napuna nila ako.”

“Nagulat nga po ako sa red carpet walk namin sa Pusan. Nang naglalakad ako, may sumisigaw ng pangalan ko. Akala ko, mga Filipino rin. ‘Yon pala, nang lumingon ako, mga Koreans and Japanese,” hindi makapaniwalang pagbibida ni Mercedes.

Tampok si Cabral sa bagong pelikulang Korean na “Thirst” ng 2004 Cannes Film Festival Grand Prix director Park Chan-woo ng pelikulang “Oldboy.”

Ayon kay Mercedes, malapit nang i-release ng Universal Pictures ang “Thirst.”        

Mabilis ang pag-akyat sa rurok ng kasikatan ng aktres mula nang siya ay unang mapasali sa pelikulang “Latak” ng Outline Films ni Jowee Morel bagama’t naunang ipalabas ang “Serbis” ng Centerstage Productions ni Brillante Mendoza kung saan napansin nang husto ang bituin.