'Ex and why': Jake Zyrus, ibinunyag kung bakit sila naghiwalay ng dating nobya

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2017 01:15 AM

Walang ligoy ang mga tanong na hinarap ni Jake Zyrus sa "Tonight with Boy Abunda" (TWBA) nitong Miyerkoles, Oktubre 4.

"Bakit kayo naghiwalay?" tanong ni Boy Abunda. 

Ayon sa host, naging lantad sa publiko ang relasyon ni Jake Zyrus, kilala noon bilang si Charice, at kaniyang dating nobyang si Alyssa Quijano.

Pero nang maghiwalay ang dalawa, tila naging tikom ang bibig ni Jake Zyrus sa dahilan ng kanilang natuldukang pag-iibigan.

"What wrong did you do that partly caused the break-up?" sunod na tanong ni Abunda.

"'Yong feeling namin no'ng nag-break kami, walang heavy... wala po talaga na katulad na 'yong heavy na ano 'mag-break na tayo!' We really talked it out," ani Jake Zyrus.

"May away sa third party, may away sa pera, may away sa magulang?" pag-uusisa ni Abunda.

"No, no, no, nothing. Wala po talaga," tugon ng singer. "One night na talagang nag-usap kami, we were both just like, I guess talagang wala. We were the case na siguro, mas ok kaming friends na lang."

Nagtapos na ang yugtong iyon sa buhay pag-ibig ni Jake Zyrus.

Mayroon na siyang bagong nobyang isinama rin niya sa studio ng TWBA. 

Siya si Shyre Aquino, isang nutritionist at fitness instructor.

"What is the one thing, na ginawa mo in the past, na hindi mo gagawin ngayon in your relationship with Shyre?" muling tanong ni Abunda sa singer.

"'Yong na-e-enjoy po namin ngayon, siguro 'yon ang na-realize ko, is 'yong may details na hindi alam ng ibang tao na kami lang 'yong nakakaalam."

Ipinalarawan din ni Abunda kay Jake Zyrus ang babaeng nagpapatibok ngayon ng kaniyang puso.

"Exquisite," ani Jake Zyrus habang nakatitig sa nobyang mukhang kinikilig din sa binitiwang salita ng kasintahan.

Inaasahang dadalo si Aquino sa concert ni Jake Zyrus sa Oktubre 6.

Kuwento ng singer, mas malapit sa kaniyang puso ang mga ihinandang musika para sa unang konsiyerto bilang si Jake Zyrus.

Nananatili namang sekreto kung paano gagawin ang duet ni Jake Zyrus at ni Charice.

Inaasahang dadalo rin sa concert ang ina ni Jake Zyrus na kamakailan ay pumalag sa naging pagsasabuhay ng relasyon nilang mag-ina para sa episode ng "Maalaala Mo Kaya".

Kalauna'y sinabi ni Jake Zyrus na gumawa siya ng mga hakbang para magka-ayos sila ng kaniyang mommy Raquel.

Nag-reach out din daw sa ginang ang bagong nobya ng anak na kaniya namang tinatanggap bilang bahagi ngayon ng buhay ng singer.

-- May ulat ni Jeff Fernando, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.