Aga Muhlach, may mensahe kay Claudine Barretto

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2017 11:47 AM

MANILA - Hindi naitago ni Aga Muhlach ang paghanga sa dating naging leading lady na si Claudine Barretto.

Sa "Magandang Buhay" nitong Biyernes, isa si Claudine sa mga leading ladies na inilarawan ni Aga na may mabuting kalooban.

"Claudine Barretto, the most misunderstood person. Pero kung kilala mo siya then you will understand her and you will love her more and you will take care of her talaga," ani Aga.

Nagkasama sina Aga at Claudine sa pelikulang "Kailangan Kita" na ipinalabas noong 2002, at "Dubai" noong 2005 kung saan kasama nila si John Lloyd Cruz.

Nagbigay din si Aga ng kanyang simple at makabuluhang mensahe kay Claudine.

"So Claudine, if you are watching, back to work, let's go. Huwag kang magpapadala sa mga taong naninira sa iyo. Hayaan mo na sila. People of the world will always judge, let them be. Just do your thing," ani Aga.

Nito lamang Sabado ay dumalo si Claudine sa Star Magic Ball. Pag-amin niya, muli siyang sasabak sa acting at maaaring gumawa ng pelikula o serye.

Samantala, maliban kay Claudine ay ibinahagi rin Aga ang kanyang saloobin sa iba pa niyang leading ladies tulad nina Vilma Santos, Lorna Tolentino, Maricel Soriano, Dayanara Torres, Kristine Hermosa, Angelica Panganiban, at Regine Velasquez.

Natawa pa si Aga nang alalahanin kung paano niya niligawan noon si Regine.

"Si Regine, may biruan kami niyan. May mga asawa na kami. Reg, wala namang ano ito... Kasi ilang pelikula ang ginawa namin na in love na in love ako sa kanya at lumiligaw ako sa kanya, eh hindi niya alam. Kasi 'yung ligaw ko parang ako lang din ang nakakaalam," ani Aga.

"Pero alam mo napakabait, napakasarap katrabaho, which is nice," dagdag ng aktor.
 
Bumisita si Aga sa "Magandang Buhay" para imbitahan ang mga manonood na suportahan ang pinakabago niyang pelikula na "Seven Sundays" kasama sina Enrique Gil, Dingdong Dantes, Cristine Reyes, at Ronaldo Valdez.
 
Sa direksyon ni Cathy Garcia-Molina, ipapalabas ang "Seven Sundays" simula Oktubre 11.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.