Richard Gutierrez, ipinagtanggol si Angel Locsin mula sa bashers

ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2017 08:36 PM | Updated as of Oct 04 2017 03:18 AM

Dinepensahan ni Richard Gutierrez ang dating ka-love team at ngayo'y co-star sa "La Luna Sangre" na si Angel Locsin mula sa bashers.

Ayon sa aktor, walang mabuting maidudulot ang pamimintas kay Angel ng ilang naniniwalang inaagawan niya ng eksena sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla sa primetime teleserye.

"Nakakalungkot siyempre di ba, pero tigilan na lang nila ang pang-ba-bash. Wala naman mabuting nadudulot 'yon," ani Richard. "I think we should just be thankful na mayroon isang klaseng show at mayroon katulad ni Angel na nagbibigay ligaya sa mga tao."

Nagsimula ang pambabatikos kay Angel matapos siyang bumalik kamakailan sa teleserye para sa karakter ni Jacintha Magsaysay.

Ayon kay Angel, hindi siya nakikipagpaligsahan kina Kathryn at Daniel sa teleserye.

"Huwag po kayong mag-alala: ito po ay show ni Kathryn at Daniel. Kung anuman po ang mangyayari dito at mga bagong nagaganap ay para sa kanila. Lahat po tayo ay nagtutulungan at wala pong kompetensiya dito," ani Angel.

Nilinaw naman ni Henry Quitain, creative head ng Star Creatives at isa sa mga nasa likod ng teleserye, na dati nang kabilang sa kuwento ng "La Luna Sangre" ang karakter ni Angel.

Itigil na ang pang-aapi sa social media.

Ito rin ang panawagan ni Kathryn at Daniel nang makapanayam sa red carpet ng Star Magic Ball 2017 noong Sabado, Setyembre 30.

"Siguro 'yong mga tao na kung ano-ano nasasabi online, sana maiwasan. Kasi hindi nila alam 'yong epekto sa ibang tao," ani Kathryn.

Para kay Daniel, hindi dapat ginagamit ang internet para magpakalat ng paninira.

"Ang internet malaking tulong 'yan para sa 'ting lahat. Marami tayong impormasyong nakukuha pero huwag tayong mag-spread ng bad vibes," ani Daniel.

Kilalang ambassadors sina Kathryn at Daniel ng Cybersmile Foundation, isang international non-profit organization na naglalayong labanan ang cyberbullying at tumugon sa mga biktima nito.

-- Ulat ni Marie Lozano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.