Cherry Pie Picache is 2008 Urian Best Actress; Sid, Jason tie for Best Actor

BOY VILLASANTA, abs-cbnNEWS.com

Posted at Oct 03 2008 06:10 AM | Updated as of Oct 03 2008 02:10 PM

2008 Urian Best Actress Cherry Pie PicachePinakamahusay na Pelikula ang "Tirador" ng Centerstage Productions sa katatapos na Gawad Urian na ginanap sa Cultural Center of the Philippines Little Theater kaninang gabi.

Nagwagi naman si Cherry Pie Picache bilang Best Actress para sa pelikulang "Fotser Child" ng Seiko Films samantalang nagtabla sa Best Actor sina Jason Abalos para sa "Endo" ng ufo Picturesd at Sid Lucero sa "Selda" ng Star View Productions. Inihandog ni Picache ang kanyang karangalan para sa kanyang kaisa-isang anak na lalaki samantalang inialay ni Sid ang kanyang tropeyo sa amang si Mark Gil at para naman sa pagkakamit niya ng sariling pangarap ang binigyang-kahulugan ni Jason.

Nanalo bilang Best Director si Brillante Mendoza para sa pelikulang "Tirador" na tumalakay sa mga smalltime crooks sa lipunan at sa mga hungkag na pangako ng kaginhawahan ng relihiyon at pulitika. Nasa ika-13 Pusan International Film Festival si Brillante dahil nagtuturo siya ng directing sa pestibal.

Iniuwi naman ni Emilio Garcia ang Best Supporting Actor Award para sa "Selda" samantalang Best Supporting Actress naman si Angela Ruiz para sa "Tirador." Pinasalamatan ni Emilio ang mga bumubuo ng Manunuri samantalang ang talent manager na si Boy Pilapil ang tumanggap ng parangal para sa kanyang alagang si Angela.

Napanalunan nina Jade Castro, Michiko Yamamoto at Raymond Lee ang Pinakamahusay na Dulang Pampelikula para sa "Endo" samantalang sina Lav Diaz at Dante Perez ang nagwagi ng Pinakamahusay na Disenyong Pamproduksyon para sa "Death in the Land of Encantos" ng Cine Olivia Pilipinas.

Samantala, napagwagihan ng "Tirador" ang Best Cinematography sa pamamagitan nina Jeffrey de la Cruz, Brillante Mendoza, Gary Tria at Julius Villanueva.

Best Editing ang "Tambolista" ni Aleks Castañeda ng Cinema One Originals at Pinakamahusay na Musika naman ang "Tribu" na nilapatan ng musika ni Francis de Vera.

Pinakamahusay na Tunog ang "Tirador" na nilapatan nina Ditoy Aguila at Junel Valencia.

Pinakamahusay namang Maikling Pelikula ang "Rolyo" ni Alvin Yapan.

Ipinakaloob naman ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino ang Gawad Urian kay Kidlat Tahimik, kilala rin sa tawag na Eric de Guia, sa kanyang paghawan sa landas ng Philippine Independent Cinema.