Sue Ramirez, may 'partner' na sa Star Magic Ball?

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2017 09:41 PM | Updated as of Sep 26 2017 03:18 PM

Unang beses bibida sa pelikula ng Kapamilya actress na si Sue Ramirez sa horror-thriller na "The Debutantes," na nakatakdang ipalabas sa Oktubre.

Gagampanan ni Sue ang papel ng isang estudyanteng na-bully at maghihiganti sa mga umapi sa kaniya.

Kasama ni Sue sa pelikula ang iba pang Star Magic stars na sina Miles Ocampo, Jane De Leon, at Michelle Vito.

Kilala si Miles bilang regular sa sitcom na "Home Sweetie Home."

Habang kagagaling lang ni Jane sa kaniyang pagsasanay sa Hollywood sa ilalim ni Simon Fuller, ang gumawa ng talent-search TV show na "American Idol".

Ayon kay Sue, lalakad siyang mag-isa sa red carpet ng Star Magic Ball sa darating na Sabado, Setyembre 30.

Pero hindi malayong maging "constant partner" niya sa okasyon si Joao Constancia, miyembro ng BoybandPH na nali-link sa dalaga.

Kabilang din sa mga inaabangang dadalo sa Star Magic Ball si Andrei Yllana na rarampa sa red carpet kasama ang inang si Aiko Melendez.

Aantabayanan din sa event ang iba pang alumni ng Pinoy Big Brother na sina Vivoree Esclito, Christian Morones, Miho Nishida at Heaven Peralejo.

-- Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.