SILIPIN: Gowns at suits ng ilang bituin para sa Star Magic Ball

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2017 09:48 PM

Isa sa pinaka-inaabangang parte ng Star Magic Ball ay ang pagrampa ng mga bituin sa red carpet suot ang kani-kanilang bonggang gown at suit na likha ng mga batikang designers.

Black and white ang motif para sa magical night ngayong taon. 

Inaabangan na ito ng mga first timer sa Star Magic Ball gaya ni Kisses Delavin na magsusuot ng Francis Libiran gown.

“Sobrang marami akong preparations kasi sobrang mahilig ako sa mga ball,” kuwento ni Delavin. 

Para naman sa kaniyang ka-love team na si Marco Gallo, perfect fit ang Italian wool black suit na gawa ni Nat Manilag. 

Si Manilag din ang gumawa ng puting gown ng mang-aawit na si Jona.

Para naman kay Jodi Sta. Maria na pasok sa best dressed list ng ilang media outfit noong nakaraang taon, napakaimportante sa ball na mag-enjoy. 

“This is one night na nagga-gather lahat na walang iniisip na trabaho kundi talagang nandoon lang to enjoy each other’s company,” ani Sta. Maria

Isang sparkling black gown na likha ni Mark Bumgarner ang susuotin ni Sta. Maria sa red carpet. 

Ronsenthal Tee gown naman ang irarampa ni Sharlene San Pedro habang JC Ulanday suit naman ang susuotin ni Vin Abrenica. 

Samantala, ‘wait-and-see’ pa ang mga stars kung sino-sino ang magkaka-date sa ball. 

Pero si Robi Domingo, mag-isa muna sa ball ngayong taon. 

“Tingnan natin kung ano ang pakiramdam ng bachelor sa Star Magic Ball… Hindi ako pipili ng date ngayon. Hindi ako kumuha, or hindi ako nagtanong,” ayon kay Domingo. 

Kumpirmadong dadalo rin sa ball sina Kristine Hermosa, Claudine Barretto, Heart Evangelista-Escudero at iba pang Star Magic babies. 

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.