Piolo, inirereto na ng ina para makapag-asawa

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2017 11:56 AM

MANILA - Inamin ng ina ni Piolo Pascual na inirereto na niya ang anak para makapag-asawa.

Sa "Magandang Buhay" nitong Biyernes, inamin ni Amy Pascual na nais niyang magkaroon muli ng anak ang aktor.

"Kaya ko inirereto 'yan, maski kanino gusto ko mag-asawa na. I want him to have his own family. Pero sabi nga niya, in time," ani Mrs. Pascual.

Nakakatuwang kuwento pa ni Piolo, kahit sa kung saan na lang ay bigla na lang siyang inirereto ng kanyang ina.

"Ewan ko ba dito kay Mommy. Kapag bumibiyahe kami, maski flight attendant kinakausap niya, [sasabihin niya] 'single ka ba?' [Sabay sasabihin sa akin na] 'anak, single pa ito.' 'Ito nga pala ang anak ko, anak lumabas kayo, mag-date kayo.' 

"Ako naman, [sasabihin ko] 'mommy, bakit mo ginagawa yan?' So kung sino ang makita niya, kapag nakita niyang may potential, nirereto niya talaga ako," ani Piolo.

Tulad ng ina, umaasa rin ang aktor na darating din ang tamang babae para sa kanya.

"Oo sana, masuwerte ako kapag nangyari yon," ani Piolo na unang pinagarap maging pari at lumaon ay maging pastor.

"Hanggang ngayon ay hinahanap ko pa rin 'yon, kasi my bottomline, ang goal ko sa buhay ay ma-fulfill ko ang destiny ko, kung ano ang purpose ng Diyos sa akin at kung anuman ang calling niya sa akin. Even 'yung pagiging artista, I just have to embrace it at di mo kailangang maging pastor to be able to share the words of God. Pero gamitin mo ang influence mo to do the right thing and let it speak for you," aniya.

Matatandaang sa dating panayam ay sinabi ni Piolo na kapag 40 na siya ay handa na siyang mag-settle down.

"Ready naman ako, kaso wala akong oras. Sa totoo lang ang daming trabaho at hindi ko puwedeng hindi i-savor ang moment na ito. There has to be a perfect timing for everything," aniya.

Bida si Piolo sa pelikulang "Last Night" kasama si Toni Gonzaga. Ipapalabas ito sa mga sinehan simula Setyembre 27.