'Tawag' champ Noven, naiyak sa mensahe ng ina

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2017 12:18 PM

MANILA -- "Hindi niyo ako hinugusgahan."

Ito ang pahayag ng "Tawag ng Tanghalan" grand champion Noven Belleza sa kanyang mga tagahanga, matapos ang pagsubok na dumating sa kanyang buhay.

Sa "Magandang Buhay" nitong Martes, naging emosyonal si Noven sa pagpapasalamat sa kanyang mga tagahanga at pamilya sa suporta at pagmamahal na ibinigay sa kanya.

"Maraming salamat at hindi niyo ako binitawan. Maraming humusga sa akin pero hindi niyo ako hinusgahan," ani Noven.

"Ngayon, ito na ang pagkakataon ko na pasalamatan kayo, maraming maraming salamat. Ngayon ay lubos ko nang naiintindihan ang aking responsibilidad sa inyo, maraming salamat," dagdag ni Noven na nasangkot sa kontrobersiya nitong Hulyo.

Tuluyan namang lumuha si Noven, nang makatanggap ng mensahe ng pasasalamat at suporta mula sa kanyang ina.

Para sa kanyang magulang nangako naman si Noven na hindi titigil nang pagkalinga sa kanila.

"Hanggang may buhay ako, may lakas ako, at may boses ako, patuloy akong aawit para sa ikabubuti ng pamilya natin at mabigyan ko kayo ng maayos na buhay," ani Noven.

Sa huli, humingi ng tawad sa kanyang magulang ang baguhang mang-aawit dahil sa pagsubok na nangyari sa kanilang buhay.

"Pa, Ma, pasensiya na kung napagdaanan natin ang lahat ng ito, wala din namang taong hindi dumaan sa pagsubok sa buhay. Naniniwala din ako na walang ibibigay na pagsubok ang Panginoon na hindi natin kakayanin," ani Noven.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.