'La Luna Sangre': Miyo, pinagbabaril ng mga pulis

ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2017 11:37 PM | Updated as of Sep 08 2017 12:07 AM

Mukhang patay na ang alter-ego ni Malia (Kathryn Bernardo) matapos itong pagbabarilin ng mga na-hypnotize na pulis. 

Ngayong Huwebes sa "La Luna Sangre," nakitang iniwang duguan at nakahandusay si Miyo pagkatapos siyang paulunan ng bala. 

"Inay, itay, gustong-gusto ko na po kayong makasama pero hindi pa ito iyong hangganan ng lahat. Nakikiusap po ako, bigyan niyo pa po ako ng buhay," sabi ni Miyo.

"Sa buwang nakasilip, ibigay ang hiling ng matang nakapikit," aniya, bago niya ipikit ang kanyang mga mata. 

Hindi pa kumpirmado kung patay na ba talaga si Miyo pero marami ang naniniwala na ito na ang hudyat na babalik na siya sa pagiging Malia. 

Marami ang humanga sa pag-arte ni Bernardo. 

Inaasahang babalik ang aktres bilang Malia para ipagpatuloy ang paghihiganti niya sa pumatay sa kanyang mga magulang, ang Supremo na si Sandrino (Richard Gutierrez). 

Nagpanggap si Malia bilang Miyo para makakalap ng impormasyon kay Sandrino. Para magawa ito ay naging bodyguard siya ng isang senador, na isa ring bampira, na malapit kay Sandrino. 

Ngunit matapos siyang paghinalaan ay pinahuli siya, tinorture, at sa huli ay pinagbabaril.

Umeere ang "La Luna Sangre" tuwing Lunes hanggang Biyernes ng gabi pagkatapos ng "Ang Probinsyano."