'Kalaban o kakampi': Kilalanin si Jacintha Magsaysay sa 'La Luna Sangre'

ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2017 11:04 PM | Updated as of Sep 08 2017 12:06 AM

MANILA -- Mapupulang labi at mapormang tinding. Kakaibang charisma at alindog ang angkin ni Jacintha Magsaysay, ang karakter ng nagbabalik na Angel Locsin sa "La Luna Sangre."

Malayo ito sa katauhan ni Lia, isang probinsyanang ang tanging pangarap ay makawala sa sumpa ng pagiging lobo para sa mas payapang buhay kasama ang pamilya.

Gayunpaman, si Jacintha at Lia ay iisa lamang sa mata ni Supremo (Richard Gutierrez), ang prominenteng kontrabida ng serye, na takot na takot sa nagbabadyang paghihiganti ni Lia. 

Nitong Huwebes ng gabi'y nagtagpo ng landas sina Jacintha at Supremo. Tulala at hindi makapaniwala sa kanyang nakikita ang lider ng mga bampira, haluhalong ispekulasyon ang pumapasok sa isip niya. 

"Ikaw ba yan, Lia?" tanong ni Supremo. 

Pero wala siyang nakuhang sagot. Bagkos ay inaya siya ni Jacintha na magkita sila sa lobby ng hotel upang doo'y makapag-usap ng tahimik. 

"Para kang nakakita ng multo," ani Jacintha. 

"Nabigla lang ako sa pagdating mo," sagot ni Supremo. 

Bagama't may pagaagam-agam, hindi napigilan ni Supremong pagusapan ang kanyang planong tumakbo sa pagka-presidente ng Pilipinas. Nais niya umanong gumawa ng isang "perpektong" mundo para sa mga Pilipino. 

Sa lahat ng kanyang narinig, isa lamang ang sagot ni Jacintha. "Hindi ka mananalo. Wala kang puso," aniya. 

Sa narinig niyang ito, tiyak na mas lalakas ang suspetsa ni Supremo na si Jacintha at Lia ay iisa. At nagbabalik siya upang ipaghiganti ang pagpaslang ni Supremo sa kanyang asawa at ang patuloy na pagpapahirap nito sa kanyang nagiisang anak na si Malia (Kathryn Bernardo). 

Samantala, narito ang ilang reaksiyon ng netizens sa pagbabalik ni Angel sa serye: 

Panoorin ang mga susunod na kaganapan sa "La Luna Sangre" tuwing Lunes hanggang Biyernes ng gabi pagkatapos ng "Ang Probinsyano." 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.