Robin Padilla nagbigay ng P5-M para sa mga kabataang mula Marawi

Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2017 11:38 AM

MANILA - Nagbigay ng P5-milyon donasyon Miyerkoles ang aktor na si Robin Padilla para sa psychosocial intervention program ng mga batang naapektuhan ng pag-atake ng mga terorista sa Marawi. 

Sinasksihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglagda at pag-turnover ni Padilla ng donasyon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). 

Tinanggap ni DSWD Undersecretary Emmanuel Leyco ang donasyon ni Padilla sa simpleng seremonya sa Malakanyang. 

Nasa 700 na ang nasawi sa patuloy na pakikidigma ng pamahalaan sa mga teroristang kaanib ng Islamic State (ISIS) na kumubkob sa Marawi nitong marso 23. 

Iniulat ng Philippine Sports Commission kamakailan na ilang bata ang itinuturing na bayani ang mga kasapi ng teroristang grupong ISIS. 

Nadiskubre ito ng komisyon matapos magsagawa ng sports clinic sa mga evacuation center sa Lanao Del Sur, kung saan lumikas ang libo-libong residente ng Marawi.