PANOORIN: Xia Vigor, pinakilig sa sayaw, halik ang batang tagahanga

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2017 09:40 PM | Updated as of Aug 12 2017 11:04 PM

Sa bagong palabas na "Little Big Shots," sinorpresa ng child star na si Xia Vigor ang isang 3 taong gulang na batang kalahok sa nasabing bagong palabas tuwing weekend. 

Matindi ang paghanga ni Rodzen sa dating kalahok sa "Your Face Sounds Familiar Kids," pag-amin nito sa host na si Billy Crawford.

Sa katunayan, mayroon itong nag-viral na video sa social media kung saan umiiyak siya kapag "inaaway" si Vigor ng kanyang ina. 

Sa palabas, naimbitahan si Rodzen na magpakitang gilas sa pagsayaw ng "Ang Kulit" ni Vice Ganda at kumanta ng "One Call Away" ni Charlie Puth. Kasama niya sa kulitang ito si Crawford. 

Ilang sandali matapos siyang magpakitang gilas, nasorpresa si Rodzen nang imbitahan ni Crawford si Vigor sa set. 

Tila natotorpe rin ang bata dahil ayaw nitong tingnan nang mata sa mata si Vigor. Sa kabila ng di pagtingin ni Rodzen sa aktres, nagpaubaya ito ng pagsayaw ng "Ang Kulit" kasama ang batang kalahok.

Nang kulitin na ni Crawford si Rodzen na tingnan si Vigor, di kalauna'y kinindatan nito ang aktres. 

Bago naghiwalay ang dalawa, hinalikan din ni Vigor ang bibong bata sa pisngi, matapos itong hilingin ni Crawford. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.