Empoy at Alessandra, mas lumalim ang pagkakaibigan

ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2018 02:37 PM

MANILA -- Mas malalim na pagkakaibigan -- ito ang ibinahagi ni Empoy Marquez tungkol sa kanila ng kanyang ka-love team na si Alessandra de Rossi.

"Sobrang lumalim. Actually doon na kami nag-uusap sa swimming pool, 8 feet, sa ilalim," makulit na hirit ni Empoy sa isang panayam para sa pagtatapos ng "Since I Found You." 

Nang matanong kung hindi ba siya nade-develop kay Alessandra, sagot ni Empoy: "No! Mas crush ko nga mama niya. Joke lang, Tita, I love you. Si Alex (Alessandra), love ko 'yan, parang baby sister ko 'yan."
 
Matatandaang nakilala ang tambalan nina Empoy at Alessandra noong bumida sila sa pelikulang "Kita Kita," kung saan nahulog ang mga karakter nila sa isa't isa.

"Si Alex kasi sobrang active, hindi ka mabo-bore kapag siya ang kasama mo. Kaya 'yung bonding sa 'Kita Kita,' hanggang ngayon sobrang mas lumalim," ani Empoy.

At sa huling gabi ng "Since I Found You," aabangan naman kung 
magkakatuluyan din ba ang karakter na ginagampanan nina Empoy at Alessandra. 
 
"Napakarami pang mangyayari dito sa 'Since I Found You,'" ani Empoy. 

Mapapanood ang huling gabi ng "Since I Found You" ngayong Biyernes, Agosto 10, pagkatapos ng "Bagani."

BAGONG LEADING LADY?

Ibinahagi rin ni Empoy ang mga pangalan ng Kapamilya leading ladies na pangarap niyang makasama sa proyekto.

"Gusto ko si Maja (Salvador), Angel Locsin, Bea Alonzo and Angelica Panganiban," ani Empoy.

At kung sakaling magkaroon ng bagong leading lady, bukas din si Empoy na gumanap sa isang seryosong karakter.

"Looking forward po ako na magkaroon ng project na ganoon. 'Yan ang hihintayin ko. Kasi big change para sa akin 'yon. Parang magkakaroon ako ng challenge sa sarili ko na gawin yon," ani Empoy na nakilala sa pagiging komedyante.

Pero pag-amin ni Empoy, hindi niya pinangarap na maging komedyante.

"Pero hindi ko ginusto na maging komedyante ako. Actually, stepping stone ko lang ito para makuha 'yung role na gusto ko. Makaakyat sa tore ng ABS-CBN," pangungulit ni Empoy. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.