Ogie Alcasid, magiging Kapamilya na?

Reyma Buan-Deveza, ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2016 11:41 PM

MANILA - Inamin ng singer na si Ogie Alcasid na bukas siya sa posibilidad na maging Kapamilya.

Sa panayam sa kanya nitong Martes para sa parating niyang birthday concert na "Ayokong Tumanda" sa Music Museum sa August 26 at 27, inamin ni Ogie na patapos na ang kanyang kontrata sa kabilang network.

"The truth is [the] contract is expiring August 18. Thankful ako sa network ko at hindi nila ako nire-restrict. Let's face it, wala naman kaming show ngayon... wala kaming ibang content kung saan ako pwede lumabas, so naiintindihan naman nila 'yon," ani Ogie.

"I still have to talk to my manager, saan ba tayo pupunta? Ang focus ko ngayon tapusin muna ang concert, tapos saka na lang mag-isip one-by-one, kasi nagpatong-patong. Anything is possible. ... Pero ang feeling ko sa three years being with TV5 we weren't able to accomplish what we were supposed to accomplish. So kung iiwan ko lang 'yun na ganoon there's big part of me na sige baka kaya pa naman. However, kung hindi na kaya, kung wala na, then it's time to move on. I don't want to base my position on anything else but where am I needed most at this point," dagdag ng hitmaker.

Pag-amin ni Ogie, na-enjoy niya ang pag-awit sa ASAP kamakailan para kay maestro Ryan Cayabyab.

Sa tanong kung naiisip niyang maaring makasama na siya sa ASAP:

"Hindi ko alam, hindi ko masabi. Alam mo God bless those guys, people tweeting me na bagay kayo diyan, dami kong natatanggap, that's very nakakataba ng puso. Pero 'di ko pwedeng pabayaan ang responsibilidad ko ngayon but it's very flattering kasi napasama ka doon, ang saya," ani Ogie.

Maliban sa ASAP ay nakasama din si Ogie ng "Maalaala Mo Kaya" commemorative album kung saan naging parte siya sa pag-awit ng "Desiderata."