Ilang artista, ikinuwento ang mami-miss kay Alfie Lorenzo

ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2017 06:37 PM | Updated as of Aug 03 2017 12:09 AM

Nakiramay ang ilang celebrities sa pagpanaw ng batikang talent manager at kolumnistang si Alfie Lorenzo. 

Alas-7 ng gabi ng Martes nang dumating ang labi ni Lorenzo sa Faith Chapel sa Arlington Memorial Chapel sa Araneta Avenue. 

Punong-abala ang pamilya ni Judy Ann Santos. Kuwento niya, nagkaroon na ng mild heart attack si Lorenzo noon pang isang linggo, at doon pa lamang ay inihanda na ng kolumnista ang kanyang sarili. Mayroon ding bilin si Lorenzo sa kanya tungkol sa burol.

"As much as possible, ayaw niya ng may public viewing kasi ayaw niya ngang makakita ng mga kaibigang nasa kabaong, kaya siya ayaw niya rin pero we have to respect the decision of the relatives kasi gusto nilang makasama si Tito Alfie," ani Santos. 

Hindi rin mauubos ang mga bagay na mami-miss niya sa manager. May ibinulong din siya sa yumao.

"Sabi ko, I forgive you, I'm sorry also. Mami-miss ko siguro 'yong mga talak niya sa 'kin, 'yong pagmumura niya. 'Cariño brutal' kasi ang relationship namin," dagdag pa ng aktres.

Nasa 15 anyos naman noon si Sunshine Cruz nang madiskubre siya ni Lorenzo, at binigyan ng unang break. Mami-miss umano niya ang pagtatanggol ng manager tuwing nasasangkot siya sa mga kontrobersiya. 

"Sabi sa 'kin ni Tito Alfie, 'wag ko na raw balikan 'yong ex ko. Mami-miss ko kasi wala nang magtatanggol sa 'kin," kuwento ni Cruz. 

Nag-post din sa social media ang iba pang artista ng kanilang pagpupugay at magagandang pagbabalik-tanaw kay Lorenzo. 

Inaasahan ang buhos ng mga makikiramay ngayong gabi dahil bukas ng umaga ay dadalhin na ang mga labi ni Lorenzo sa kanyang bayan sa Porac, Pampanga.

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.