Sarah G, ibinahagi ang hiling sa kanyang kaarawan

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2017 11:48 AM

MANILA -- Isang simpleng hiling ang nais ni Sarah Geronimo para sa kanyang kaarawan ngayong Martes, Hulyo 25.

Sa pagbisita ni Sarah sa "Magandang Buhay" kasama si John Lloyd Cruz, leading man niya sa pelikulang "Finally Found Someone," ibinahagi ni Sarah ang kanyang hiling hindi lang para sa sarili kung hindi para sa kanyang pamilya.

"Ako po, magpatuloy lang 'yung strong bond ng pamilya ko at laging happy sana. Kahit anong pagsubok ang dumating ay masaya pa din," ani Sarah.

Para sa mga manonood, nagbalik tanaw pa si Sarah kung paano niya ipinagdiwang ang kanyang kaarawan noong siya ay bata pa.

"Kasi month of July, tag-ulan po 'yan. So every time na magbi-birthday ako, umuulan, walang pumupuntang bisita or siguro wala lang pang-party ang magulang ko kaya 'yun na 'yung parang naging excuse nila sa akin para hindi ako magtampo. So lagi akong dumudungaw sa bintana namin. Lagi kong sinisilip 'yon, pumapatak ang ulan. So eventually sobra ko na siyang na-love, nagustuhan ko na 'yung ulan. So lagi ko nang hinahanap-hanap kapag nagbi-birthday ako, kapag hindi umuulan ng birthday ko malungkot na ako," kuwento ni Sarah.

Para sa espesyal niyang araw, nagbigay din si John Lloyd ng kanyang hiling para sa aktres na pang-apat na beses na niyang nakatrabaho sa pelikula.

"Sana lahat nang hinahangad ng puso niya ay mangyari. Sana lahat ng magpapasaya sa kanya ay nandiyan palagi. Sana lahat ng dreams mo and all your heart's desire sana ay matupad," ani John Lloyd.

Maliban kay John Lloyd, sinorpresa din si Sarah sa "Magandang Buhay" ng kanyang mentor na si Georcelle Dapat-Sy ng grupong G-Force.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.