Mccoy, pinaalam na ang kanyang intensyon sa nanay ni Elisse

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2017 12:15 PM

Nagpakilig ang tambalan ni Mccoy de Leon at Elisse Joson sa pagbisita nito sa "Umagang Kay Ganda" nitong Miyerkoles.

Inamin ni Mccoy na nagpaalam na siya sa ina ni Elisse na si Cristine Joson na siya ay pagkatiwalaan upang mapatunayan niya ang kanyang intensyon para sa aktres.

"Tiwala lang muna, siyempre dahan-dahan. 'Yung tiwala lang muna 'yung gusto kong ipaalam. Kasi siyempre mahirap para sa kanila (ng mommy niya), babae parehas sila," ani Mccoy.

Para kay Elisse, masaya siya sa ginawang pagpapaalam ni Mccoy sa kanyang ina.

"Actually, 'yung sa sinabi niya ngayon, natutuwa ako na mayroon pa ding ganoon. Gusto ko din po kasi 'yung makaluma," ani Elisse.

Sa pangunguna ng kanilang mga tagahanga, kamakailan lang ay nagdiwang ang dalawa ng kanilang unang anibersaryo bilang love team. 

Para naman patunayan ang kanilang pagiging malapit sa isa't isa, naging game si Elisse at Mccoy sa paglalaro sa "UKG," kung saan kailangan nilang sagutin ang mga tanong tungkol sa kanilang dalawa. 

Maliban sa kanilang bagong single na "If We Fall In Love," nakatakda ang dalawa na magsama sa isang teleserye. Parte din ang dalawa sa paparating na pelikulang "Ang Panday."
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.