Sharon, natuwa na nabawasan ng 13 pounds ang timbang

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2017 08:22 PM

Balik-Pilipinas si Sharon Cuneta mula sa kaniyang sunod-sunod na show sa Amerika.

Proud ang "Megastar" na na-achieve niya ang target na makapagbawas ng 13 pounds sa timbang.

"It was a mix of stress, then pagod, then kakain ako, then I don't like the food so naging ganun siya," ani Cuneta, na naghahanda na rin para sa inaabangang comeback movie niya sa Star Cinema.

Hindi na ang dating mister na si Gabby Concepcion ang makakatambal niya sa pelikula. Top secret din daw muna kung sino ang kaniyang magiging bagong leading man.

"Yes, malapit na iyan, September na kami mag-start and please tell tita Malou na huwag na muna sabihin kung sino makakasama ko," dagdag ni Cuneta, na tinutukoy si Star Creatives COO Malou Santos.

"Kilala ko na and I think mas matutuwa ang marami,"

Kahit nasa Amerika, tiniyak din ni Cuneta na hindi siya nakalilimot sa coaching duties sa "The Voice Teens" lalo pa't magsisimula na ngayong Sabado ang live shows nito.

"Kahit nasa Amerika ako, I'm talking to them, to the EP (executive producer), to the AP [associate producer], to the teens, talagang pinakialaman ko lahat pati areglo at song choices nila," aniya.

Kasabay ng nalalapit na finale ng talent show, mapapanood sa unang pagkakataon si Cuneta sa Indie film na "Ang Pamilyang Hindi Lumuluha" na kalahok sa Cinemalaya Film Festival. Ipapalabas ito simula Agosto 4.

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.