Sue Ramirez, pinaliwanag ang dahilan sa kanyang pixie cut

Jeff Fernando, ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2018 11:27 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA -- Bida si Sue Ramirez sa Pelikulang “Ang Babaeng Allergic sa WiFi” na isa sa official entries ng 2018 Pista ng Pelikulang Pilipino.

Binati ng lahat si Sue sa kanyang super short hair na ipinaliwanag naman niya ang dahilan.

"Yung totoo, patay na po ang buhok ko sa kakaplantsa, kakakulot. Hindi na kaya buhayin ng treatment, so kabaong na lang po ang kulang sa kanya. Kaya napag-desisyunan ko po na matagal ko na gusto magpagupit, na magpa-pixie cut," ani Sue.

Dahil pa rin sa maigsing buhok, pinagdudahan tuloy ang sexual preference ni Sue na kanyang ipinaliwanag.

"Kapag ang babae nagbago ng itsura, may pinagdadaanan, heart broken, lesbian. Ang babaw na po ng basehan natin sa pagkatao ng isang tao. Siguro 'yun lang ang medyo affected ako na part," ani Sue.

Sa pelikula, binalikan ni Sue ang mundo na wala pang social media. Nagustuhan ni Sue ang set up dahil mas tahimik ang buhay.

"Sometimes it's nice to stay away from social media, to stay away sa online world and go back to the world that we live in talaga. Walang fake news, wala kang mababasa na fake accounts, walang bashers, 'yung mga tao lang na nagmamahal talaga sa iyo. Parang ang sarap niya balikan," ani Sue.

Mapapanood "Ang Babaeng Allergic sa WiFi," kasama ang pito pang entries ng Pista ng Pelikulang Pilipino, sa August 15 hanggang 21 sa mga sinehan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.