Kababalaghan sa set ng 'Bloody Crayons', ikinuwento nina Janella, Maris, at Jane

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2017 06:53 PM | Updated as of Jul 11 2017 10:40 PM

Hindi lamang ang mismong kuwento ng 'Bloody Crayons' ang nakakikilabot, kung di maging ang naging karanasan ng mga aktres na sina Janella Salvador, Maris Racal, at Jane Oineza habang sila ay nagsu-shoot ng kanilang nasabing pelikula.

Kuwento nina Salvador at Racal, mayroong isang di makilalang matandang babaeng umano'y naninirahan sa lumang bahay na set ng kanilang pelikula. 

"I was shooting a scene with Elmo saka Ronnie. Tapos kaharap namin si Ronnie. It was, like, 2 a.m. na. Tapos may matandang dumaan, nahuli siya sa camera. Nung chineck namin, siyempre, nakikita ko roon di ba? Wala naman talagang dumaan," kuwento ni Salvador. 

Madalas umano itong nararamdaman sa isang rocking chair tuwing madaling araw, ayon sa kuwento ni Racal.

"May one time, di ko alam kung totoong tao siya o hindi, basta may matandang babae lang talaga na dumadaan-daan," aniya. "Nakakatakot lang talaga 'yung bahay na pinagshu-shootingan namin." 

Ganito rin umano ang ibinahagi sa kanya ng co-star na si Yves Flores Empoy.

"Rocking chair. May matanda. Every 3 a.m. talaga 'yun, matandang babae. It was an old house, pero di na namin napapansin kasi. Kaya nga nabubulabog," ani Racal. 

Gayon man, kahit pa may nangyayari umanong hindi maipaliwanag sa set, mas ikinakaba daw nila ang kahihinatnan ng pelikula, lalo pa't marami ang naging pagbabago nito sa nakaraang dalawang taon. 

"Di ba kasi ang dami naming changes, so 'yung feeling lang na iniisip mo if kasama ba kami or tuloy pa ba 'yung film or ano 'yung updates kasi pag wala pang text, pag nade-delay. Mas doon 'yung kaba e, kung matutuloy pa ba. Kaya sobrang nakakatuwa na ito na talaga, may dates na, so yes, totoo na!" sabik na sinabi ni Oineza. 

Pero kahit inaasam nila noon na matapos na ang pelikula, tila ayaw pa rin nilang maghiwa-hiwalay dahil sa nabuo na nilang matinding pagsasama.

"Sobrang happy ako sa cast. Nakakaiyak... kasi noon, di matapos-tapos, pero ngayong patapos na, parang 'awww, puwedeng mag-start ulit?'" ani Oineza. 

"Mas malala kasi siya sa serye kasi two years na kami nagkaka-work, minsan di nagkikita-kita. Pero alam mo 'yung bond namin, parang mahaba-haba na rin. 'Yung relationship namin sa staff, parang 'my gosh, matatapos na tayo'" ayon kay Racal. 

Halos maiyak din si Racal sa huling araw ng shoot, pero masaya sila na ipalalabas na ang kanilang pelikulang 'Bloody Crayons' ngayong Linggo. 

Kasama rin sa suspense movie sina Sofia Andres, Diego Loyzaga, at Ronnie Alonte.

-- Ulat ni Gretchen Fullido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.