Liza Soberano, nakatanggap ng mahalagang 'Darna' item

ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2017 05:57 PM | Updated as of Jul 01 2017 08:43 PM

MANILA- Nakatanggap ang aktres na si Liza Soberano ng isang mahalagang 'Darna' item mula sa pamilya ng mismong lumikha sa karakter bago pa man ito lumipad bilang ang Pinay superhero sa pelikula. 

Umarangkada na ang ‘Darna’ duties ni Soberano at dumalo siya sa Toy Convention 2017, kung saan nakilala niya ang Hollywood stars na dumalo sa event gaya nina Charlie Bewley, isa sa mga 'volturi' ng ‘Twilight’ saga, Stefan Kapecic, na gumanap bilang Colossus sa ‘Deadpool’ movie, Karen Fukuhura na gumanap bilang Katana sa 'Suicide Squad,' at marami pang iba.

"I’m so happy to be here kasi dito naman talaga nagsimula si Darna," ani Soberano. 

Tampok sa convention ang comic books at characters, gaya ng mga likha ng Pinoy graphic novelist na si Mars Ravelo, ang nasa likod ng 'Darna.'

Nakilala rin ni Soberano sa unang pagkakataon ang pamilya Ravelo, na may espesyal na regalo sa kanya.

"In behalf of the Ravelo family and Mars Ravelo, we would like to thank you for accepting the role of Darna," ani Rex Ravelo.

Inabot kay Soberano ang original first four panels ng unang komiks ng ‘Darna’ na nalimbag noong 1940s. 

Lalo namang naramdaman ng aktres ang excitement sa paglipad bilang Darna, nang makita niya ang official merchandise ng Pinay superhero, pati na ang statuette nito.

Hinintay din ng fans si Soberano upang makita siya sa personal.

Samantala, tinawag din ang aktres na "style star to watch" ng Vogue online edition. -- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.