Keanna Reeves, na-hack ang Facebook account

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2017 07:24 PM | Updated as of Jul 01 2017 10:29 AM

Humingi ng tulong sa National Bureau of Investigation (NBI) ang aktres na si Keanna Reeves matapos ma-hack ang kanyang Facebook account na may nilalamang mga pribadong larawan. 

Agad lumapit sa NBI Cybercrime Division ang aktres matapos madiskubre noong Miyerkoles ng gabi na na-hack ang kanyang Facebook account.

Kuwento ni Reeves, hindi na niya ma-access ang account at iniba ang pangalan nito. Nakipag-chat pa aniya ang hacker sa kanyang mga kaibigan at nag-aalok na makipagtalik.

"Hindi ko alam na puwede palang mapasok ng ibang tao. Wala na talagang safe ngayon," ani Reeves.

Nagulat din ang aktres nang in-upload ng hacker ang kanyang mga pribadong larawan sa kanyang account. Matagal na aniya itong nakatago at hindi niya inakalang mauungkat pa ang mga ito. 

Napagalitan pa siya ng kanyang mga anak dahil dito.

"Nahihiya ako para sa sarili ko at para sa mga anak ko para sawayin nila ako nang gano’n," kuwento ni Reeves.

Iniimbestigahan ngayon ng NBI kung sino ang nang-hack sa account ng aktres. 

Payo ng NBI kontra hacking

Inulit naman ng NBI ang kanilang payo sa publiko na huwag basta-basta mag-add sa social media kung hindi kilala. 

Huwag din anila basta-bastang mag-download ng mga file, o magbukas ng mga natatanggap na link at e-mail, at huwag din mag-uplod ng mga sensitibobg larawan at impormasyon.

"Pinagsabihan nga nila ako na huwag din ako magbukas ng Facebook sa mga computer na hindi naman akin at huwag ko rin ibigay ang password," ayon kay Reeves.

Ayon sa NBI Cybercrime Division, nangunguna ang libel sa mga natatanggap nilang reklamo mula Enero nitong taon hanggang Mayo. Sumusunod naman ang mga online scam at identity theft. 

Maiiwasan anila sana maging biktima sa kaso ng panloloko kung nag-iingat sa seguridad sa social media. 

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.