'La Luna Sangre': Pangil ni Richard, patok sa mga netizens

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2017 04:27 AM | Updated as of Jun 21 2017 07:27 AM

Matagal mang nawala si Richard Gutierrez sa limelight, swak na swak naman ang kanyang pagbabalik telebisyon dahil sa kanyang karakter sa "La Luna Sangre." 

Sa unang gabi pa lamang ng serye, mainit nang pinag-usapan sa social media ang karakter ng aktor. Magkahalong kilig at pagkasabik ang naramdaman ng kanyang fans, kahit pa kontrabida ang kanyang role dito. 

Nitong Martes, muli na namang pinakilig ng aktor ang mga netizens nang mas ipakilala ang kanyang ginagampanang karakter na si Sandrino, ang lider ng masasamang bampira. 

Bagama't may matatalas na pangil at mapupulang mga mata si Sandrino, hindi siya kinatakutan bagkus ay hinangaan pa ng marami. Ang ilan ay aminado pa ngang nais magpakagat sa kanya. 

Samantala, tuluyan nang naging mortal sina Mateo (John Lloyd Cruz) at Lia (Angel Locsin). Ibig sabihin nito'y wala na silang kapangyarihan, maaari nang dapuan ng sakit, at mamatay. 

Masayang-masaya ang dalawa, ngunit hindi nila alam na may nagbabadyang panganib dahil kasado na sa paghahasik ng lagim si Sandrino at ang kanyang hukbo ng mga kalabang bampira. 

Panoorin ang mga susunod na episodes ng "La Luna Sangre" tuwing Lunes hanggang Biyernes ng gabi pagkatapos ng "Ang Probinsyano." 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.