Piolo-Juday reunion movie, 'big time' ang backer

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2017 06:02 PM | Updated as of Jun 08 2017 03:14 AM

Bihirang pagkakataon na ang makitang magkasama sa isang event ang dating magka-love team na sina Piolo Pascual at Judy Ann Santos. 

Kaya naman mismong si ABS-CBN Chief Content Officer Charo Santos-Concio ang hindi naiwasang kiligin nang magtabi ang dalawa.

Higit isang dekada na ang nakalipas nang huling magtambal sila sa "Don't Give Up On Us" kaya humihirit na ang fans ng reunion movie.

Bagama't lumipas na ang panahon, hindi naman umano nawala ang kanilang komunikasyon.

''Hindi nawala 'yung communication namin ni Juday about that, like din kay Claudine (Barretto), pero right now kasi we have conflicting schedules pa, pero I hope mangyari na,'' ani Pascual.

Pahayag naman ni Santos,''Nandiyan naman lagi 'yan, it's just a matter of right time, tamang timing lang, mangyayari din 'yan.'' 

Pero ngayon pa lang, malakas na ang back-up para sa reunion movie dahil mismong si Santos-Concio ay fan din ng tambalang Pascual at Santos.

''Siyempre I'm a fan. Guy and Pip, Piolo-Juday, KathNiel, kaya nakaisip agad ako ng kuwento at pinitch ko na sa kanila,'' sabi ni Santos-Concio.

Dagdag pa niya, ''Aba siyempre, dapat mangyari 'yan pero I will not second guess them.''

Ikinataba naman ito ng puso nina Pascual at Santos.

Sa ngayon, tutok si Pascual sa pelikula nila ni Toni Gonzaga, habang wishlist naman ni Santos ang makasama sa project si Vilma Santos.

--Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.