Liza Soberano bilang si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach, ipinasilip

ABS-CBN News

Posted at May 28 2017 02:09 PM

Ipinasilip na ang ilang tagpo sa inaabangang episode ng “Maalaala Mo Kaya” na pagbibidahan ni Liza Soberano bilang si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach.

Sa video clip, nasulyapan ang aktres habang rumarampa. Ilang saglit pa, itinampok din si Liza na may suot na korona.

Nag-beauty queen training si Liza para sa role na halaw sa kuwento ng tagumpay ni Pia.

Iikot ang kuwento ng episode kung paano nagpunyagi si Pia na makamit ang korona, kahit pa dalawang beses naging mailap sa kaniya ang titulo ng Miss Universe-Philippines.

Noong nakaraang taon, nabanggit ni Pia sa isang panayam na hindi na kailangang um-effort pa ni Liza kung gugustuhin niyang maging beauty queen.

Sabik na rin ang fans ng aktres na matunghayan ang kaniyang beauty queen role lalo pa at marami ang nagsasabing bagay na bagay sa pageants si Liza.

Mapapanood ang nasabing “Maalaala Mo Kaya” episode sa June 3, Sabado.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.