Teresa, naniniwalang mahal ni Cesar ang anak nilang si Diego

ABS-CBN News

Posted at May 22 2017 01:42 PM

MANILA -- Naniniwala si Teresa Loyzaga na bilang magulang, mahal ng aktor na si Cesar Montano ang kanilang anak na si Diego Loyzaga.

Sa "Magandang Buhay" nitong Lunes, ibinahagi ni Teresa ang paniniwalang magkakaayos ang mag-ama sa kabila nang pagpapahayag ng sama ng loob ni Diego sa batikang aktor noong nakaraang Pebrero.

Ayon kay Teresa, pinayuhan niya ang anak na manahimik na lamang. 

"Just be quiet. I know you are affected but be quiet... Mas kaunti ang sasabihin mo, mas kaunti ang pagkakamali, tumahik ka na lang. Lilipas din lahat 'yan. Nailabas mo na eh, one point ka, tama na," ani Teresa.

"At saka, alam naman natin mahal siya ng tatay niya. Naniniwala ako doon," dagdag ni Teresa.

Nakiusap din si Teresa, na pabayaan na ang mag-ama na resolbahin kung anuman ang namamagitan sa kanilang dalawa.

"Huwag naman nating sabihin na problema. Nagkaroon lang ng... not even conflict. Gusto ko lang sabihin na iwan natin sa kanila 'yon. Kung anuman ang nangyari sa kanila, sila din ang mag-aayos noon. Kasi the more we meddle, pakialamero lang ang labas natin, hindi naman natin maayos. Ang makakaayos noon sila lang din," paliwanag ni Teresa.

Ayon sa aktres, naging tahimik lang siya sa isyu at naghihintay lang na maging maayos na ang lahat.

"Ang akin lang, I can not wait for all of these to die down and for people not to meddle. Pero hindi mo maalis sa mga tao 'yon, gusto nila to give their two cents worth, pero I think normal lang sa tao, so hindi ko sila masisisi," aniya.

Ayon sa aktres, mas magandang bigyan ng panahon at ipinalangin na lang ang pagkakayos nila Cesar at Diego.

"So sana ang gawin na lang natin let's pray na maayos. Huwag tayong makialam. Katulad ng sabi ko kanina lahat maayos in time. Let's not push it, huwag nating pilitin," ani Teresa.

Sa ngayon ay masaya si Teresa sa magandang karera ni Diego na parte ng bagong seryeng "Pusong Ligaw."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.