Sandara, Hero, posibleng magtambal muli?

ABS-CBN News

Posted at May 13 2017 06:35 PM | Updated as of May 13 2017 10:31 PM

Sa pagbabalik-telebisyon ni Hero Angeles, makatatambal kaya niyang muli si Sandara Park?

Tila timing ang pagbabalik-telebisyon ng aktor dahil halos kasabay nito ang muling pagsabak sa pelikula ni Sandara.

Sa panayam kay Hero, game ito sa posibilidad ng muling tambalan nila ng dating ka-love team, lalo na at may pinagsamahan na rin daw sila ng aktres.

"Kahit saan naman tayo, okay tayo diyan, basta work," aniya.

Masusulyapang muli ang pag-arte ni Hero sa challenging role nito bilang transgender mom sa Mother's Day episode ng 'Maalaala Mo Kaya' mamayang gabi.

Aminado si Hero na nahirapan siya sa nasabing role dahil nangangalawang pa siya sa pag-arte. 

"Mahirap talaga siya kasi kailangan kong i-wax 'yung binti ko, tapos dapat wala ding facial hair, tapos kailangan kong magsuot ng wig, eh maraming scenes na may iba't ibang wig, so sobrang sakit niya sa ulo," ani Angeles.

Ngunit ang inspiring story ng transgender mom ang nagtulak sa kanya para pumayag sa nasabing proyekto at magsilbing regalo sa araw ng Mother's Day.

"Ang pagiging ina ay walang pinipili kahit lalaki ka pa," aniya.

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.