Miho, nagsalita sa isyung ginamit lang siya ni Tommy

ABS-CBN News

Posted at May 05 2017 11:35 AM

MANILA - Ipinagtanggol ni Miho Nishida ang dating nobyo na si Tommy Esguerra sa isyung ginamit lang siya nito para sa karera. 

Sa pagbisita niya sa "Magandang Buhay" nitong Biyernes, sinabi ni Miho na naramdaman niyang minahal siya ni Tommy.

"Sa akin po, parang hindi ko naman po naisip at ayaw ko naman pong isipin na ginamit ako. Naramdaman ko rin naman po 'yung love niya sa akin. Nagkataon lang po siguro 'yon. Hindi naman po namin pinlano na after the show ay wala na. So siguro na-timingan lang din," ani Miho na nakasama si Tommy sa katatapos lang na serye na "Langit Lupa."

Ayon pa kay Miho, talaga namang sinubukan niya at ni Tommy na isalba ang kanilang relasyon. Pero tulad ng iba, may mga bagay talaga silang hindi mapagkasunduan.

Giit ni Miho, wala siyang galit kay Tommy sa naging paghihiwalay nila.

"Wala po ['yung galit]. Parang mayroon lang po akong tampo sa sarili ko at sa kanya. Parang di lang kasi namin nagawa na magkaintindihan sa language. So sana naayos namin 'yon that time at maaayos kung gugustuhin talaga namin kasi lenguahe [lang]," ani Miho.

Pag-amin ni Miho, hinahanap-hanap pa rin niya ang masasayang sandali na kasama si Tommy.

"Ang nami-miss ko sa kanya? Siguro 'yung moment namin na masasaya. Kasi nag-start kami, nakilala ko siya sa 'PBB.' So nag-start kami sa friends. Nakilala ko rin siya, kahit na hindi kami nagkakaintindihan [sa language] ay nagkakaintindihan kami sa kulitan," aniya.

Nang matanong naman kung ano ang kanyang natutunan sa pinagdaanang relasyon, sinabi ni Miho na wala talagang perpektong pag-ibig.

"Kahit sabihin mo na pinakilig namin 'yung buong mundo, kinilig sila, siyempre tao lang po talaga kami. Pero pagdating ng panahon naniniwala ako na kung talagang kami, kami. Kung hindi, hindi," ani Miho na naniniwala pa rin sa salitang "forever."

"Hindi naman porket ngayon na brokenhearted ako ay ayaw kong sabihin na walang forever. Nasa inyo naman 'yun kung paano niyo iha-handle 'yun," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.