Derek Ramsay: Angelica, my parents are OK

by Bernie Franco, ABS-CBN.com

Posted at Apr 19 2010 11:23 AM | Updated as of Apr 19 2010 07:26 PM

MANILA, Philippines - Sumalang kahapon si Derek Ramsay sa bago at mas pinatinding portion ng “The Buzz” na “Tougher Ten.” Hindi gaya ng nakalipas na “Tough Ten,” may mga matitinding tanong ngayon ang bagong portion na hindi na hinihingan pa ng paliwanag.

Ilan sa mga nakaiintrigang sagot ni Ramsay ay: never umano siyang nagtaksil sa halos apat na taong relasyon nila ng kanyang girlfriend na si Angelica Panganiban at sa loob daw ng susunod na tatlong taon ay may plano na siyang magpakasal; si Piolo Pascual umano ang ikinokonsidera niyang katapat niya pagdating sa aktingan; at si Gretchen Barretto umano ang ikinokonsidera niyang hot and desirable na actress.

Inamin din ni Ramsay na sa lahat ng mga isyung ipinupukol sa kanya, ang isyung hindi pabor ang kanyang mga magulang kay Panganiban ang pinaka-naapektuhan siya.

“I don’t like the fact na it’s not true and at the same time na nadadamay si Angelica at ang pamilya ko,” paliwanag ng aktor.

Sa lahat ng sports daw na ginagawa niya, sa Ultimate Frisbee daw niya inihahalintulad ang kanyang buhay.

“Kasi I give everything. Just like in my relationship, ibinibigay ko talaga lahat,” sabi pa ni Ramsay.

Sa kanyang susunod na proyekto, “Magkaribal,” kung saan makakasama niya sina Bea Alonzo at Barretto, sinabi ni Ramsay na may posibilidad na maging sila ni La Greta kung pareho lang silang single.