KILALANIN: 16 anyos na rapper sa likod ng viral na kantang 'Nadarang'

ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2018 01:39 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kung dati ay mga kaibigan lang sa kalsada ang mga tagapakinig ng kaniyang mga berso, ngayo'y milyon-milyong tainga na ang nabihag ng 16 anyos na rapper na si Shanti Dope.

Si Shanti Dope, na ang tunay na pangalan ay Sean Patrick Ramos, ang nasa likod ng viral na awitin na "Nadarang."

Mayroon nang 20 milyon plays sa Spotify at 10 milyon views sa YouTube ang "Nadarang," na ayon kay Shanti Dope ay tungkol sa mapanuksong pag-ibig na nararamdaman ng mga kabataan.

Katuwang ni Shanti Dope sa pag-produce at paglabas ng "Nadarang" ang kaniyang tiyuhin na si Lester "Klumcee" VaƱo at rapper na si Gloc-9.

"Nagawa namin siya ('Nadarang') few months before ma-release siya sa label. Luckily, natuwa si Gloc 9 no'ng pinarinig ko sa kaniya," kuwento ni Klumcee.

Sa tulong ni Gloc 9, na isa sa mga iniidolo ni Shanti Dope, nakapulong ng rapper at Klumcee ang mga kinatawan mula Universal Records Philippines. 

Bahagi ang "Nadarang" sa extended play ni Shanti Dope na "Materyal," na inilabas noong Disyembre 2017 sa ilalim ng naturang record label.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pero ayon kay Klumcee, hindi niya inakalang malilinya ang pamangkin sa musika dahil mahiyain umano ito noong bata.

"'Di ko akalain na parang may interes siya sa music until sabi sa 'kin ng younger brother ko. Eh mayroon akong recording studio sa bahay," ani Klumcee.

"Napilitan siya [mag-record] kahit nahihiya siya. Nagulat naman ako, 'puwede ah, marunong may, mag bagsak, nasa punto ah,'" dagdag nito.

Siyam na taong gulang si Shanti Dope nang mahilig sa rap. Impluwensiya umano ito ng kaniyang amang mahilig din sa musika.

Nang tanungin kung bakit rap ang napiling genre, sabi ni Shanti Dope: "Sobrang malaya ka kasing mag-express ng gusto mong sabihin."

Bukod kay Gloc 9, kabilang din sa mga tinitingila ni Shanti Dope ang mga rapper na sina Smugglaz at Loonie.

Inamin ni Loonie na maging siya'y nagulat sa talentong ipinamalas ni Shanti Dope.

"Wala talaga akong clue. Mula dati pala sumusubaybay na siya sa ginagawa namin at nakuha niya talaga 'yong tricks na dapat para sa industry," sabi ni Loonie, na nakilala si Shanti Dope sa pamamagitan ni Klumcee.

"Siguro nagra-rap na siya noon pero 'di ko alam siguro dahil sinesekreto niya," ani Loonie. "Nu'ng narinig namin siya, nakapag-record na siya, nagulat na lang kami na magaling palang mag-rap 'to."

Taong 2014 naman nang ilabas ni Shanti Dope ang kaniyang unang kantang "Anong Sabi Mo?" sa YouTube.

HUGOT SA BUHAY

Pero ang apoy sa pagsusulat ng binatang rapper ay nag-umpisa umano sa pinakamalalim na hugot sa kaniyang buhay.

"Broken family ako, so iba't ibang lugar ako nagpupunta," kuwento ni Shanti Dope.

Ipinanganak at lumaki sa Blumentritt, Maynila si Shanti Dope at lumipat sa Laguna. Ngayon nama'y sa Cavite siya naninirahan.

Dahil din sa kaniyang kalagayan, dalawang beses siyang umulit ng grade three.

Bagaman mapusok sa rap, tahimik na bata naman sa klase si Shanti Dope.

"He prefers to be alone. Parang lagi siyang malalim ang iniisip," kuwento ni Maria Luisa Tendido, administrator sa paaralang pinapasukan ng rapper.

"Sa academics, when you call him, you will be amazed by his ideas. Mahusay siyang sumagot," dagdag ni Tendido.

Pero may mga pagkakataong hindi nakapapasok sa paaralan ang rapper dahil busy sa mga raket.

Ayon naman kay Shanti Dope, hindi lang pansariling benepisyo ang kaniyang nakukuha sa pagtatanghal at iba pang mga oportunidad. Isa rin itong paraan para aniya'y makatulong at maging mabuting halimbawa sa mga nakababatang kapatid.

"Ako lang din titingnan nila pagtanda eh so kailangan nating maging mabuting imahe para sa kanila," ani Shanti Dope.

COVER

Dahil sa kasikatan, ilang beses na ring ginawan ng cover ang "Nadarang." 

Isa sa pinakasikat dito, na pumalo sa 5 milyon views sa YouTube, ay ang bersyon ng Agsunta Band kasama ang dating Ex Battalion member na si John Roa.

Watch more in iWantv or TFC.tv

"Siyempre iyon 'yong uso ngayon eh, parang pinaka-hyped ngayon na kanta. Mahirap din siya, challenging din kantahin," sabi ni Jireh Singson ng Agsunta Band.

Itinanghal din ni Shanti Dope nitong Linggo sa programang "ASAP" ang "Nadarang" kasama si Darren Espanto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.