PANOORIN: JC Santos hinarana ang nobya

ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2017 01:11 PM

MANILA -- Kahit tila nahihiya ay ipinakita ni JC Santos ang pagmamahal sa nobyang si Teetin Villanueva sa pag-awit niya ng "Ewan" na pinasikat ng grupong Apo Hiking Society.

Sa "Magandang Buhay" nitong Lunes, ibinahagi ni JC at Teetin ang kanilang relasyon na nagsimula nang magkakilala sila sa University of the Philippines (UP).

"Naging leading lady ko siya sa isang play sa UP," ani JC na pinuri ang galing ng nobya.

Pag-amin ni Teetin, nagdalawang isip siya noon na sagutin ang aktor dahil sa reputasyon nito na pagiging playboy.

"Noong na-meet ko siya may wall na ako, sobrang kapal na wall na kahit natutuwa ako ay sungit-sungit lang," ani Teetin.

Pag-amin ng aktor, binago ni Teetin ang kanyang buhay.

"Bago ko siya nakilala 'yung mga ganitong type ng girls ang iniiwasan ko. Kasi alam kong 'di ko mapapasagot ang ganitong goody girls. Sabi ko parang masyadong mabait si Teetin, siya 'yung girlfriend material, 'yung pwede mong maging asawa, siya 'yung ganoon. So lagi akong nandoon sa fling side and dating, so sabi ko sige try ko namang magbago ng point of view in life. Tapos pinahirapan niya ako, di ako sanay manligaw, di ako marunong, ayun," kwento ni JC.

Sa darating na Hunyo ay magdidiwang na si JC at Teetin ng kanilang ika-apat na anibersaryo.

Maliban sa "I Can Do That," magiging parte si JC ng seryeng "Victims of Love" kasama sila Paulo Avelino, Julia Montes, Angelica Panganiban at Lorna Tolentino.