Maymay at Edward, napaiyak dahil sa kani-kanilang kapamilya

ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2018 03:09 PM | Updated as of Mar 13 2018 09:58 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA -- Hindi napigil ni Maymay Entrata at ka-love team nito na si Edward Barber na maiyak matapos makapatanggap ng sulat mula sa kani-kanilang kapatid.

Nakatanggap ng sorpresang sulat ang dalawa sa "Magandang Buhay" nitong Martes para sa pagdiriwang nila ng kanilang unang taon sa show business.

Hindi napigil ng dalawa na maging emosyonal nang hingan sila ng mensahe para sa kani-kanilang mahal sa buhay.

"Kuya, alam mo naman na mahal kita. Since bata pa lang, kasama na kita sa hirap at sa lahat ng pagsubok. Nandoon pa si Papa Joe, hanggang sa nawala siya. Ang suwerte ko na kuya kita, kasi lahat gagawin mo para sa akin. Mahal na mahal kita at saka ngayon na nandito na ako hindi mawawala ang promise ko sa iyo na papaaralin kita," ani Maymay patungkol sa kanyang kuya.

Nagpatuloy din ang pag-iyak ni Maymay nang makita ang regalo ng kanyang kapatid.

Isang retrato ni Maymay at yumaong lolo ang nakuhang regalo ng aktres na kilalang malapit sa kanyang lolo.

Tulad ni Maymay, naluha rin si Edward nang basahin ang sulat mula sa kanyang kapatid na si Laura.

Ipinaabot naman ni Edward ang kanyang pagmamahal sa kapatid na ngayon ay hindi niya nakakasama.

"I love you so much and I will see you very, very soon," ani Edward.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.