Bernardo Bernardo, inalala ng mga taga-showbiz

ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2018 02:59 PM | Updated as of Mar 08 2018 05:46 PM

Binigyang pugay ng ilang taga-industriya ng showbiz ang beteranong aktor na si Bernardo Bernardo, na pumanaw nitong Huwebes sa edad na 73.

Ayon sa pamangkin ni Bernardo na si Dulce Inoturan, yumao ang aktor bandang alas-4 ng madaling araw sa kanilang tahanan sa Mandaluyong dahil sa kanser sa pancreas.

Agad bumuhos sa social media ang mga huling saludo kay Bernardo mula sa mga personalidad sa teatro, telebisyon, at pelikula.

Isa sa mga sumariwa sa alaala ni Bernardo ay si Film Development Council of the Philippines chairperson Liza Diño, na ikinuwento sa isang Facebook post kung paano siya sinusuportahan ng aktor tuwing nakatatanggap ng mga negatibong pahayag.

 

Maging ang mga direktor tulad nina Pepe Diokno at Adolfo Alix Jr. ay nagbigay pugay at nagpasalamat kay Bernardo.

Higit na nagmarka si Bernardo sa kaniyang papel na Steve Carpio sa ABS-CBN sitcom na "Home Along Da Riles," kung saan bumida rin ang yumaong comedy king na si Dolphy.

Huli siyang napanood sa mga pelikulang "The Significant Other" at "Ang Larawan."

Nakatakda sa Biyernes ang public viewing ng labi ni Bernardo sa St. Peter Chapels, Araneta Avenue, Quezon City.

Ilalagak siya sa kolumbaryo ng Sta. Ana Church, Maynila matapos i-cremate sa Martes. -- May ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.