KZ Tandingan, pinagkakaguluhan na rin sa Tsina

ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2018 08:52 PM | Updated as of Mar 07 2018 01:38 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Hindi lang sa Pilipinas pinagkakaguluhan ang mang-aawit na si KZ Tandingan dahil maging sa bansang Tsina ay may mga tagahanga na siya.

Sunod-sunod kasi ang mga nakakabilib na pagtatanghal niya sa "Singer 2018," na sinasabing isa sa mga pinakapinanonood na programa sa telebisyon sa Tsina.

Sa pag-iikot ni Tandingan kamakailan sa Changsha Mall ay ilang beses itong hinarang ng mga lokal para magpakuha ng retrato.

"Nagulat ako kasi nare-recognize na ako ng mga tao," kuwento ni Tandingan sa panayam ng ABS-CBN News.

Ayon kay Tandingan, premyo na para sa kaniya ang mapanood ng mga taga-Tsina.

Ipinaliwanag din ni Tandingan kung bakit walang napanood na episode ng "Singer 2018" noong nakaraang Biyernes.

"Mayroon silang special show na ginawa talaga... Parang culmination ng Chinese New Year nila," paliwanag ng mang-aawit.

Aminado si Tandingan na nakararamdam siya ng kaba, lalo at nalalapit na ang finale ng timpalak sa Abril 20.

Muling lumipad si Tandingan patungong Tsina nitong Martes ng umaga para sa pagpapatuloy ng timpalak.

Bagaman hindi pa nabubunyag kung ano ang susunod na aawitin sa Biyernes, tiniyak ni Tandingan na marami ang magugulat sa kaniyang ipapakita.

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.