Gladys, Christopher, ibinahagi ang sekreto sa matagal na pagsasama

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2018 02:39 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Patunay ang higit dalawang dekadang pagsasama nina Gladys Reyes at Christopher Roxas na napagtatagumpayan ng pag-ibig ang anumang pagsubok na ibinabato ng buhay.

"May mga stage sa buhay natin na minsan hihinga ka [tapos] sasabihin mo [sa sarili mo], 'Kaya ko pa ba to?'" kuwento ni Reyes sa segment na "TLC" ng "ASAP."

"Pero kapag nanaig 'yong faith ninyo, kailangan i-work out natin ito," dagdag ng aktres.

Taong 1992 nang magkakilala ang dalawa at sinimulang ligawan ni Roxas si Reyes habang nagtatrabaho sa teleseryeng "Mara Clara."

"Noong nanligaw ako sa kaniya alam ko sasagutin na niya ako," sabi ni Roxas. "Hindi conceited 'yon, pero alam mo lang yung feeling na nakita mo na 'yon."

"Dati pa alam ko na, when I met him, I'll be spending the rest of my life with him" ani Reyes.

Isa umano sa naging hamon sa kanilang relasyon ay noong nagkaroon sila ng "cool-off" o pansamantalang paghihiwalay noong ika-pitong taon nila. 

"Gusto ko lang masubukan 'yong buhay binata na nawala kasi masyado kaming maagang napunta sa relationship," paliwanag ni Roxas.

Subalit umabot sa puntong tuluyang winakasan ng dalawa ang kanilang relasyon hanggang sa muling binalikan ni Roxas si Reyes.

"Hindi mo alam 'yong importanteng bahay nasa iyo na [pala], [so] bumalik ako," ani Roxas.

Umabot na sa 25 taon ang tagal ng pagsasama nina Reyes at Roxas, kabilang ang 14 taon bilang mag-asawa matapos silang ikasal noong Enero 2004 at 11 taon bilang magkasintahan.

Nitong Enero 2018, lumahok sa renewal of vows sina Roxas at Reyes.

"Mula bata pa kami, lumaki kaming magkasama, na-develop, nakabuo ng pamilya, continuous journey ito eh," sabi ni Reyes.

Ipinagpapasalamat ni Roxas ang pasensiya at tiwalang ibinibigay sa kaniya ng misis, habang si Reyes naman ay nagpapasalamat sa "too good to be true na makakasama sa buhay."

Handog nina Erik Santos, Daryl Ong, Angeline Quinto, at Kyla ang awiting "Panalangin" ng Apo Hiking Society.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.