JC Santos recording artist na rin

ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2018 10:57 AM

 

A post shared by JC Santos (@j.c.santos) on

Its official! Recording artist na rin ang aktor na si JC Santos. 

Pumirma siya noong Martes ng record deal sa Star Music at anim na kanta na ang nai-record ni JC na karamihan ay mga hugot songs.

Sa panayam ng ABS-CBN News kay JC, sinabi niyang ibang-iba ang pag-arte sa pagkanta pero ang hindi mawawala ay ang kabog sa dibdib.

“Iba yung feeling pero pareho yung kaba. Kasi inaral ko yung tatlo. Sa theater, kailangan mag-aral ka ng tatlo kundi mahina ka. Kailangan triple threat ka kapag theater. Inuna namin yung acting tapos nakakakanta and eventually nakakasayaw,” aniya. 

Aminado si JC na relate siya sa tema ng mga kantang ini-record niya dahil na rin sa kanyang recent break up sa kanyang girlfriend.

“Actually mabigat siya ng konti. Yung theme ng album, puwede siya sa lahat ng gender, parang hopeful ang feeling,” aniya.

Ayon kay JC, mas dama ng isang tao ang malulungkot na kanta kapag hindi nalalayo ang lyrics sa mga nagaganap sa totoong buhay.

“’Di ba nga sabi nila kapag naririnig mo yung song, masaya ka. Kapag naiintindihan mo yung song, may pinagdadaanan ka. [Ngayon], mas marami na akong naintindihang kanta!”

Bilang baguhang recording artist, inamin ni JC na hindi pala madali ang proseso na pinagdadaanan ng mang-aawit sa loob studio.

“Actually it was the first time na nag-record ako in my life. Akala ko madali lang siya. Mahirap pala sa studio setting. Kasi sanay ako na buga lang ng buga tapos malakas. Ito parang katabi mo lang or kaharap mo lang ang kausap mo,” kuwento niya.

May nais ba siyang makatrabaho balang araw para sa isang collaboration?

“Gusto ko makasama si Jona (Viray). I’m in awe, she’s amazing. Fan ako ni Jona. And hopefully makasama ko si JM (de Guzman). Matagal na kami magkaibigan. Iniisip namin ito before. Kasama ko siya dati nung naggigitara lang kung saan-saan,” aniya.

Bukod sa album launch niya na gaganapin sa February 18, ikinakasa na rin ang una niyang concert sa Music Museum.

-- May ulat ni Jeff Fernando, ABS-CBN News