Ilang sikat, alay ang tagumpay sa Nazareno

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2018 09:03 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sa kabila ng busy schedule, hindi nakalimot ang ilang personalidad sa kanilang panata sa Itim na Nazareno. 

Nitong madaling araw ng Martes, nagpunta si Coco Martin sa Quirino Grandstand.

Mula sa taping ng hit primetime serye na "Ang Probinsyano," dumiretso ang actor sa pahalik sa imahen ng Itim na Nazareno.

Hindi niya mapalampas ang pagkakataong magpasalamat para sa natanggap niyang biyaya mula sa Maykapal.

Kilalang deboto si Martin, lalo't hiniling niya noon sa Poon na bigyan siya ng trabaho.

Samantala, naghahanda naman si Angeline Quinto na makiisa sa Traslacion mamayang alas-10 ng gabi.

Bago pa man sumikat, deboto na ng Nazareno si Quinto.

Lalo pang lumalim ang kaniyang pananampalataya nang aniya'y matupad ang kaniyang hiling sa Poon na manalo noon sa "Star Power."

Kuwento pa ng aktres, pinakahuling tinupad ng Nazareno ang panalangin niyang gumaling ang kaniyang tiyahin sa karamdaman.

Sabi ni Quinto, iniwan niya sa kama ng tiyahin ang panyong lagi niyang ipinupunas sa imahen ng Itim na Nazareno. 

Sa awa ng Diyos aniya, nakalabas ng ospital ang kaniyang tiyahin.

Kamakailan, nagpasalamat din si Quinto sa eskultor na nagbigay sa kaniya ng replica ng imahen ng Itim na Nazareno.

Ipinagpapasalamat naman sa Nazareno ng batikang designer na si Eddie Baddeo ang paggaling niya sa colorectal cancer.

Milagro itong itinuturing ni Baddeo na deboto ng Poon mula pa dekada 80s, pero apat na taon pa lang sumasampa sa andas.

Ngayong Traslacion, walang hihilingin si Baddeo, bagkus magpapasalamat siya sa Poon dahil sa napakalaking biyayang manumbalik ang kaniyang magandang kalusugan at madugtungan pa ang kaniyang buhay.

-- Ulat ni Jeff Fernando, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.